PUNONG-ABALA si Bureau of Internal Revenue Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay sa selebrasyon ng ika-114 anibersaryo ng kawanihan sa Agosto 1, 2018 na sa kauna-unahang pagkakataon ay idaraos nang bongga sa Philippine International Convention Center kung saan mismong si Presidente Rodrigo Duterte ang panauhing pandangal, kasama si Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, na may temang “Koleksiyon sa Buwis para sa Bayan at para sa ‘Build Build Build’ Project”.
May nagsasabing posibleng ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte ang dumalo sa nasabing okasyon para basahin ang mensahe ng kanyang ama sa harap ng napaulat na planong pagtatalaga kay Commissioner Billy sa isa dalawang bakanteng posisyon sa Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sa sinasabing ‘graceful exit’ ni Commissioner Dulay, kabilang sa umano’y maaaring pumalit dito ay sina former BIR Senior Deputy Commissioner Nestor Valeroso, Government Service Insurance System President-Chairman Clint Aranas at dating Revenue Tax Fraud Division Chief Arnold Romero.
Pinagpipilian naman kina BIR Makati City Regional Director Glen Geraldino, Quezon City Regional Director Marina De Guzman, Manila City Regional Director Romulo Aguila, Jr., Caloocan City Regional Director Manuel Mapoy at San Fernando, Pampanga Regional Director Jethro Sabariaga ang hihiranging bagong hepe ng makapangyarihang Large Taxpayers Service (LTS) kapalit ng nakatakdang magretirong si BIR Assistant Commissioner Tess Dizon.
Sa ipinalabas na Revenue Special Order No. 740-2018 kaugnay ng 114th BIR anniversary celebration sa Agosto 1, 2018, ang tradisyunal na thanksgiving mass ay gaganapin sa alas-8 ng umaga sa BIR National Training Center, Agham Road, Diliman, Quezon City, habang ang programa ay idaraos naman sa alas-2 ng hapon sa PICC na nasa Vicente Sotto III St., Pasay City.
Panahon ni yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos nang italaga si dating BIR Commissioner Misael Vera noong 1965. Ito ang nagpatupad ng programang ‘Blue Master’ at ‘Voluntary Tax Compliance’ na ang layunin ay masawata ang pang-aabuso sa pagitan ng taxpayers at examiners.
Taong 1976, sa pamumuno ni Commissioner Efren Plana, ang BIR National Office na noong panahong iyon ay namamahay lamang sa Finance Building sa Maynila ay inilipat sa bagong tayong 12-storey building sa BIR National Office sa Diliman, Quezon City. Si late BIR Commissioner Ruben Ancheta ang sumunod sa yapak ni Commissioner Plana.
Pagkatapos ng makasaysayang People’s Revolution noong 1986, itinalaga naman ni yumaong Pangulong Corazon Aquino si BIR Commissioner Bienvenido Tan, Jr. na siya namang nagpasimula ng programang ‘Walang Lagay sa BIR’. Taong 1989 nang pamunuan ni late BIR Commissioner Jose Ong ang kawanihan.
Panahon ni dating Presidente Fidel Ramos taong 1993 ay itinalaga naman si dating Bicol Congresswoman Liwayway Vinzons-Chato bilang bagong revenue commissioner at pinalakas ang vision of transformation, comprehensive and integrated program ng Action Centered Trasformation ng nasabing tanggapan. Sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Joseph Estrada ay ninombrahan nito si yumaong Deputy Commissioner Beethoven Rualo bilang bagong BIR commissioner na naglunsad ng Economic Recovery Assistance Program (ERAP) na nagkaloob ng immunity sa audit and investigations sa big time taxpayers.
Termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay itinalaga naman si dating BIR DepCom Rene Banez bilang bagong BIR commissioner at nang magbitiw ito ay ipinalit si Finance Undersecretary Cornelio Gison sa loob ng walong araw hanggang italaga ni Arroyo si dating Bureau of Customs Commissioner Guillermo ‘Willy’ Parayno, Jr.
Taong 2006 nang hirangin si Jose Bunag bilang bagong BIR commissioner. Sumunod sa kanyang itinalaga si dating DepCom Lilian Hefti, ang ikalawang babaeng naging hepe ng BIR. Si Sixto Esquivias ang humalili kay Commissioner Hefti.
Sa panahon ni dating BIR Commissioner Joel Tan Torres, pinalakas naman nito ang kampanya laban sa mga burgis na taxpayers.
Si dating BIR Commissioner Kim Henares ang pinakamatagal na naupong hepe ng kawanihan mula nang manungkulan si dating Pangulong ‘Noynoy’ Aquino hanggang sa matapos ang termino nito.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344 o mag- email sa [email protected].
Comments are closed.