KUMBINSIDO ang mga business leader na patuloy na lumalakas ang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng tatlong taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery & Cafe sa Quezon City, sinabi ni Dr. Henry Lim Bon Liong, pangulo ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (FFCCCI), na pasado ang Pangulong Duterte at kung siya ang tatanungin, out of 10 ay bibigyan niya ng rating na 8 ang Pangulo bunsod ng paglakas ng ekonomiya ng bansa.
“We note the recent positive developments in our country which show that the Philippine economy is on the path to achieving higher growth. We recognize the strong leadership and political will of President Duterte to implement many reforms that have improved the economy,” sabi ni Dr. Lim.
Ayon naman sa economist na si Dr. Gerardo Sicat, dating pinuno ng National Economic Development Authority (NEDA), maganda ang itinatakbo ng estado ng ekonomiya sa bansa.
Aniya, sa nagdaang dalawang dekada ay patuloy na lumaban ang ekonomiya ng bansa bunsod na rin ng mahuhusay na mga nagdaang presidente at naipagpatuloy ito ni Duterte.
Sinabi naman ni George Barcelon, chairman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), na sa kabila ng paglago ng ekonomiya, kinakailangan pa rin ang ilang reporma na dapat tutukan ng pamahalaang Duterte, partikular sa usapin ng reporma sa lupa.
Kinakailangan din aniyang palakasin ng gobyerno ang pagsugpo sa katiwalian upang makahikayat ng mas maraming foreign investors at tutukan ang imprastraktura gaya ng isinasagawang mga bagong paliparan at tulay, pagsasaayos ng mga kalsada na bahagi ng ‘Build Build Build’ program ng Pangulo, pagpapalakas ng information communications technology (ICT), agrikultura at aquaculture, gayundin ang natural resources, turismo upang makalikha ng maraming trabaho, siyensiya at teknolohiya, edukasyon, social financing at iba pa.
Tumanggap naman ng excellent rating si Duterte mula sa negosyanteng si Sergio Ortiz-Luis, Jr., pangulo ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), kaugnay sa pagpapatakbo ng pamahalaan para mapalakas ang ekonomiya.
Samantala, hinangaan naman ng environment group na Greenpeace ang ipinakitang tapang ni Duterte sa paghawak nito ng usapin sa kalikasan, partikular ang pagpursige nito na maialis ang mga basura ng Canada sa bansa.
Sa isang press conference, sinabi ni Lea Guerrero, country director ng Greenpeace, na pagpapakita ng matatag na ‘political will’ ang ginawang hakbang ng gobyerno.
Kasunod nito, hiniling ng Greenpeace sa pamahalaang Duterte at sa mga mambabatas sa 18th Congress na gawing top priority ang usapin sa climate emergency.
“The Philippines is ground zero when it comes to the climate crisis. Our country’s environmental support systems are breaking down,” saad ni Guerrero. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.