MANONOOD si Pangulong Rodrigo Duterte sa unang laro ng Philippines men’s basketball team sa 2019 FIBA World Cup sa China bilang suporta sa koponan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Meynardo Montealegre na personal na magtsi-cheer ang Pangulo sa Gilas Pilipinas sa pagsagupa nito sa Italy sa Agosto 31 sa Foshan, isang lungsod sa Guangdong province.
Ang Pangulo ay bibisita sa China sa ika-5 pagkakataon sa Agosto 28-Setyembre 1 upang makipagpulong kay Chinese counterpart Xi Jinping at talakayin ang isyu ng ‘mutual interest’.
Sasamahan siya ni Chinese Vice President Wang Qishan sa laro.
Ginawa ni Montealegre ang pahayag makaraang maliitin ni Duterte ang tsansa ng Gilas laban sa mas matatangkad na players mula sa Italy.
Gayunman ay sinabi ng Pangulo na posibleng talunin ng mga Pinoy ang Angola.
Samantala, inihayag ni Chief of Presidential Protocol Robert Eric Borje na isang miting ang inaayos sa pagitan ni Duterte at ng Gilas players.
“That’s something that we’re working on. But what’s definite is the President, of course, wants to support Team Philippines,” ani Borje.
Para sa opening round, makakaharap ng Gilas ang Italy sa Agosto 31, ang Serbia sa Setyembre 2 at ang Angola sa Setyembre 4.
Kailangang magtapos ang Filipinas, kasalukuyang nasa ika-31 puwesto sa world rankings, sa group phase sa top two upang umabante sa second round ng World Cup.
Comments are closed.