NAGDESISYON si Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang pagseserbisyo sa pamahalaan ni Dr. Eduardo C. Janairo bilang Director IV ng Department of Health (DOH) – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) sa loob ng panibagong anim na buwan kahit pa umabot na ito sa kanyang compulsory retirement age nitong Nobyembre.
Ipinagpapasalamat naman ni Janairo ang suporta at tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng Pangulo at sinabing isang pribilehiyo para sa kanya ang makapagsilbi pa sa pamahalaan kahit na umabot na siya sa kanilang compulsory retirement age noong Nobyembre.
“I welcome the privilege to serve the government again. Nagpapasalamat ako sa ating Presidente, kay Presidente Duterte, sa binigay niyang suporta at pagtitiwala sa aking kakayahan upang patuloy na maisulong ang iba’t-ibang program na atin ng naumpisahan sa CALABARZON,” ani Janairo sa isang pahayag. “Marami pang dapat gawin. Marami pang dapat isaayos at kailangang magtrabaho agad para maisakatuparan lahat ng ito.”
“Six months will pass quickly and we need to create impact programs that will have a solid effect to our people. Gaya ng sabi ng ating Presidente, kailangan ang serbisyo ng ating gobyerno ay nararamdaman, nararanasan at walang naiiwanan. Lahat dapat makinabang, mayaman man o mahirap,” dagdag pa niya.
Matatandaang matapos ang 38-taong pagseserbisyo sa DOH, noong Nobyembre 20, 2020 ay nagretiro na sa serbisyo si Janairo matapos na umabot sa kanyang mandatory retirement age.
Nabatid na si Janairo ang nag-iisang health executive na nagsilbi sa siyam na DOH Regional Offices bilang Director at nag-iisa ring nakatanggap ng ekstensiyon sa serbisyo.
Sa panahon ng kanyang panunungkulan, ipinatupad niya ang pagbabago sa kasalukuyang set-up ng DOH upang higit pang mapaghusay ng pamaha-laan ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayan, partikular na ang mga mahihirap, Indigenous People (IPs) at mga nasa Geo-graphically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Nabatid na ang Executive Order ay inilabas ng Malacañang kamakalawa o nito lamang Disyembre 15, 2020.
Paniniguro pa niya, ang mga susunod na buwan ay magiging busy para sa regional office, dahil ipagpapatuloy nila ang mga repormang pangka-lusugan, palalakasin pang lalo ang kanilang mga health programs sa community level, ia-upgrade ang kanilang mga health facilities at gagawin ang lahat upang maiwasan ang pagkalat ng communicable at non-communicable diseases, kabilang na ang pandemya ng COVID-19.
“We will continue what we have started, we have to strengthen the foundation of CALABARZON prime making it a model region for everyone to emulate,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.