TUTOL si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing legal ang smuggling o pagpupuslit ng iba’t ibang produkto papasok sa bansa.
Ito’y sa harap ng umano’y pagsusulong ni Agriculture Secretary Manny Piñol na gawing legal ang smuggling ng bigas sa Zambasulta o mga lalawigan ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi dahil sa nararanasang krisis doon.
Ayon sa Pangulo, tiyak na malalagay lamang sa alanganin ang ekonomiya ng bansa kung gagawin ang ganoong hakbang.
Sa kanyang speech bago lumipad ng Israel at Jordan, sinabi ni Duterte na mas makabubuti na mag-import ng bigas kaysa gawing legal ang smuggling nito.
“[Legalize] smuggling itself? No. That would be destructive to the economy… Mag-import tayo tapos magpalugi na lang. At least may benchmark tayo kung magkano ang maubos,” pahayag ni Duterte.
Kasunod nito, binalaan din ng Pangulo ang mga negosyanteng sangkot sa hoarding o pagtatago ng mga suplay na bigas gayundin ng cartel na siyang nagpapahirap sa mga ordinaryong Filipino.
Samantala, nakakuha ng kakampi sa hanay ng ranking officials ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sina Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel “Manny” Piñol at National Food Security (NFA) Administrator Jason Aquino kasunod ng panawagan ng iba’t ibang sektor na magbitiw na sa kanilang puwesto ang dalawang government officials.
Ayon kay ANAC-IP Party-list Congressman Jose Panganiban Jr., chairman ng House Committee on Agriculture and Food, kaakibat ng kanyang pagrespeto sa pananaw ng iba niyang kapwa mambabatas ay mayroon naman silang kanya-kanyang opinyon patungkol sa performances ng Agriculture secretary at NFA administrator.
Iginiit ng party-list lawmaker na hindi siya sang-ayon sa pagbibitiw nina Piñol at Aquino bunsod ng umiinit na usapin sa suplay ng bigas kasama na ang pagsipa sa presyo nito sa mga pamilihan at iba pang agricultural products.
Idinepensa ng kongresista ang pahayag ng kalihim partikular ang pagiging 95% rice sufficient na diumano ang bansa, sa pagsasabing magandang balita talaga ito subalit ang tinutukoy na 19.2 million metric tons na naani ay katumbas ng kabuuang suplay ng commercial rice. ROMER BUTUYAN
Comments are closed.