DUTERTE UMATRAS SA SENATE RACE

UMURONG na rin sa pagkandidato sa pagkasenador si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ay matapos magtungo sa tanggapan ng Commission on Elections si Pangulong Duterte para maghain ng withdrawal of candidacy.

Kasama ng Pangulo na nagtungo sa Comelec si Executive Secretary Salvador Medialdea.

Kahapon ng tanghali lamang ay naghain na rin ng formal withdrawal of candidacy sa pagka-pangulo ng bansa si Senador Bong Go.

Ayon kay Acting Presidential Spokesman Karlo Nograles, naniniwala si Pangulong Duterte na ang pag-atras sa kanyang kandidatura sa Senate race ay magbibigay daan upang kanyang matutukan ang pagtugon sa pandemic response ng pamahalaan tungo sa mas maunlad na bansa at dahan dahang pagbubukas ng ekonomiya.

“He likewise views this as an opportunity to concentrate on efforts to ensure transparent, impartial, orderly and peaceful elections in May,” sabi pa ni Nograles.

Sinabi pa ni Nograles na makaraan ang mahigit na apat na dekadang pagkilingkod sa public ay plano ng Pangulo na sa kanyang pagreretiro sa gobyerno ay mas mabibigyan ng panahon na makapiling ang kanyang pamilya sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2022. EVELYN QUIROZ