ISINAGAWA kanina ang groundbreaking para sa konstruksiyon ng South Luzon Expressway (SLEX) San Pedro northbound entry/exit interchange sa Laguna.
Hindi nagpatinag sa sama ng panahon ang mga dumalo sa seremonya na sina Congresswoman Arlene Arcillas, Laguna Governor Ramil Hernandez, Mayor Lourdes Cataquiz ng bayan ng San Pedro at marami pang iba.
Kasama sa proyekto na pinondohan ng P142 milyon para sa first phase ang konstruksiyon ng kalsada, toll plaza at tulay habang nasa P320 milyon naman ang pondo para sa second phase ng proyekto.
Labis naman ang pasasalamat ni Congw Arcillas kina Pangulong Rodrigo Duterte at Public Works and Highways Secretary Mark Villar dahil nagkaroon ng katuparan ang pangarap ng mga residente na magawa na ang interchange na ngayon lamang napondohan.
Ilang administrasyon na umano ang lumipas, ngunit ngayon lamang napondohan ang proyekto.
Pinasalamatan din ni Arcillas ang pamahalaang lungsod ng San Pedro sa naturang proyekto.
Ayon naman sa consultant ni Congw Arcillas na si Robert Ignacio, malaking kaginhawahan ito sa mga motorista at sa mga residente na magpapaluwag sa daloy ng trapiko sa lugar.
Matagal nang hinihingi ng mga taga-San Pedro ang pagsasagawa ng proyekto na inaasahang matatapos sa buwan ng Hulyo sa susunod na taon.
Comments are closed.