DUTIES SA FOOD ITEMS PINASUSUSPINDE KAY DUTERTE

Rep-Henry-Ong

HINILING ng isang kongresista kay ­Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang VAT at import duties sa mga piling food product.

Ayon kay House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Henry Ong, dapat na suspendihin muna ng anim hanggang 12 buwan ang VAT, import duties at administrative fees na ipinapataw sa mga piling imported product na hindi direktang nakikipagkumpitensiya sa mga local produce ng bansa.

Partikular dito ang mga produktong gaya ng harina, gatas, keso, packaging materials at ilang mahahalagang gamot, gayundin ang mga gulay na kakaunti lamang dito sa Filipinas.

Paliwanag ni Ong, ­maaaring pansamantalang suspendihin ng Pangulo ang VAT at imported duties sa mga imported product salig na rin sa Section 1608 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at Administrative Code of 1987.

Pinakikilos din ng kongresista ang NEDA na tukuyin kung aling mga imported food item ang may mataas na inflation para malaman kung anong mga food product ang dapat na alisan muna ng buwis.

Malaki, aniya, ang maitutulong nito sa mga Filipino para maibsan ang nararanasang inflation bunga ng mataas na presyo ng mga bilihin at mga serbisyo.   CONDE BATAC