DUWELO NG DRIVER AT PAHINANTE, 1 NAPURUHAN

saksakan

BATAAN – NAKAHAWAK pa sa manibela at patay ang isang truck driver na nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa loob mismo ng minamanehong sasakyan sa Gapan-Olongapo Road, Brgy. Roosevelt, Dinalupihan.

Habang nasa malubhang kalagayan sa pagamutan ang pahinante nito na may tama rin ng saksak.

Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station Chief of Police Lt.Col. Eduardo Guevara Jr. kay Bataan Police Director Col.Villamor Tuliao, nakilala ang nasawi na si Evaristo Yuzo Razon, 59-anyos, may asawa ng Silang, Cavite.

Habang nakilala ang suspek na pahinante ng trak na si alyas Jaypee, 19-anyos, ng Taguig City, at pamangkin din ng biktima.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing ang trak na may plakang CAJ-5906 sa Subic Bay na may kargang soya nang masiraan ang sasakyan kaya ipinarada ng driver sa nabanggit na lugar.

Rerespondehan lang umano sana para tulungan ng mga tanod mula sa karatig-Barangay ang kanilang kasama na nasiraan din ng sasakyan malapit sa pinangyarihan ng krimen, nang tiyempong makasalubong umano nila ang pahinante ng trak na duguang naglalakad na humingi ng saklolo sa mga tanod na dalhin sa hospital.

Idinahilan umano ng pahinante na naholdap sila at pinasok sa loob ng trak at naiwan ang kasamang driver na nadiskubreng patay na.

Subalit nadiskubre na walang naganap na  holdapan dahil walang nawala at umano ay nag-away ang dalawa na nauwi sa pamamas­lang. ROEL TARAYAO

Comments are closed.