NAGING napakahalaga ng ginampanang tungkulin ng DWIZ 882 sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), alinsunod sa corporate slogan na Balitang Sigurado, Tapat na Serbisyo, Sa Komentaryo Numero Uno!
Mula nang tumama ang pandemya sa kalagitnaan ng buwan ng Marso, nagkakaloob na ang DWIZ 882 ng hindi lamang mga nagbabagang mga balita at updates, kundi serbisyo publiko at pamamahagi ng impormasyon kaugnay sa mga pag-aksiyon at pagsisikap ng pamahalaang nasyunal at lokal upang matugunan ang krisis.
Araw-araw ay isinasahimpapawid ng DWIZ 882 ang ‘Public Briefing: #LagingHanda’ program ng Presidential Communications Operations Office (PCOO), na layong magkaloob ng mga bagong balita at updates kaugnay sa kasalukuyang kaganapan ng bansa sa paglaban sa COVID-19.
Itinalaga ni D. Edgard A. Cabangon, chairman ng Aliw Broadcasting Corporation (ABC), ang hookup sa DWIZ 882 at #Laging Handa sa kahilingan ni PCOO Secretary Martin Andanar, program host. Co-host ni Andanar si PCOO Undersecretary Rocky Ignacio.
Ayon kay Ely Aligora, Aliw Broadcasting executive vice president, nagbigay ng todo suporta ang istasyon para sa araw-araw na public briefing na isinahimpapawid ilang buwan na. Inilaan ang mga oras na alas-11 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa IZ Balita Nationwide para sa araw araw na public briefings ng #Laging Handa.
Ginawa ring available ang e-mail, Facebook at ibang social media sites para sa mga Filipino, maging sa ibayong dagat. Ang programa ay malawak na sinusubaybayan ng overseas Filipino workers (OFWs) at iba pang Filipinos abroad. Kasama rito ang live streaming ng PCOO sa kanilang Facebook page araw araw. Dahil dito ay maraming nagpapadala ng komento, mensahe at katanungan mula sa mga tagapakinig sa buong mundo kaugnay sa maraming bagay lalo na ang tungkol sa COVID-19.
Bukod sa naiibsan ang kanilang pag-aalala, naipatutupad ng DWIZ ang paglilingkod sa publiko sa pagsisilbi bilang help desk mula sa mga katanungan at idinudulog ng mamamayan na ipinadadala naman ng istasyon sa mga kinauukulang ahensiya katulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) and Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang mga ulat at mga bagong programa tulad ng Laging Handa ay iniuulat nang malinaw sa mga tagapakinig sa buong bansa sa pamamagitan ng 50,000-watt transmitter ng DWIZ. Isa ang DWIZ sa iilang AM stations sa Metro Manila na nag-tataglay ng ganitong transmission power.
Mula sa simula pa ay nakinita na ni Aliw Broadcasting founder Ambassador Antonio L. Cabangon Chua ang pagkakataon ng pinakamalakas na transmission power para sa DWIZ upang mapagsilbihan ang mas maraming tagapakinig.
Dahil sa powerful transmission ay naisasabuhay ng DWIZ ang isa pang slogan nitong “Ang Himpilang Todong Lakas.”
Naniniwala ang pamilya ng Ambassador na ang radyo ay ang pinakamahusay na medium para sa komunikasyon at impormasyon sa paglilingkod sa mamamayan dahil nararating nito ang pinakamalayong komunidad. “He was always for reaching out to the grassroots as a media owner,” pahayag ni G. Johnny Dayang, isa sa pinakamatagal nang kaibigan ng Ambassador na tumulong sa pagtatayo ng media companies nito.
Base sa pag-aaral, ang stress at anxiety ay karaniwan sa gitna ng pandemyang ito. Kaugnay nito, ang DWIZ 882 ay patuloy na magsasahimpapawid ng mga programa na magpapagaan sa isipan ng mga Filipino sa panahon ng krisis.
May God-centered programs na nakatuon sa spiritual at emotional health ng publiko upang magbigay pag-asa at buhay sa mga pinanghihinaan ng loob.
Dagdag pa rito, patuloy na Ipinakikita sa live streaming ng DWIZ na nasa Facebook at YouTube ang COVID-19 case updates at ang contact details ng mga ahensiya na may kaugnayan sa COVID-19 response –ito ay upang mapalawak ang DWIZ 882’s platform sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Bilang pagtatapos, sinabi pa ni Aligora na, hindi na mapigil ang paglawak ng DWIZ 882 at pagpapahusay sa serbisyo nito para sa mga Filipino sa gitna ng pandemya.
Comments are closed.