DYIP HUMARUROT SA PBA 3X3

PATULOY ang matikas na laro ng Terrafirma sa PBA 3×3 kung saan wala itong talo sa opening day ng Leg 3 at agad na umusad sa knockout stage.

Sinimulan ng Dyip ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng pagsilat sa Leg 2 champion Meralco Bolts, 22-18, at pagkatapos ay sinundan ng 17-14 panalo kontra guest team Pioneer Pro Tibay at ng  21-11 pagbasura sa NorthPort upang kunin ang liderato sa  Pool A.

Nakuha nila ang isang puwesto sa playoffs sa kabila ng hindi paglalaro ni team captain Roider Cabrera, na naka-confine pa rin sa ospital, tatlong araw makaraang mag-collapse sa dugout ng Terrafirma dugout matapos ang kanilang laro laban sa Barangay Ginebra sa Leg 2.

Makakasama ng Dyip sa susunod na round si fellow Pool A member Meralco, na namayani sa  Pioneer Pro Tibay, 21-6, upang kunin ang no. 2 spot.

Umusad pa rin ang Pioneer sa knockout stage sa kabila ng kaparehong 1-2 record sa NorthPort Batang Pier, na nauna nilang tinalo, 21-17.

Ang Zamboanga Valientes ang tanging koponan na walang panalo sa Pool A na may 0-3 record.

Umabante rin ang Sista Super Sealers at Purefoods TJ Titans makaraang pangunahan ang kani-kanilang grupo. CLYDE MARIANO