DYNAMIC SUPPORT IBIBIGAY NG JAPAN SA PINAS

DYNAMIC support ang ibibigay ng Japan sa Pilipinas na matagal na nilang kaalyado.

Pangunahing layunin nito ay makamit ang upper Middle Income Country (UMIC) status sa 2025 habang sinusuportahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa malawak na hanay ng mga larangan ng pagtutulungan.

Ito ay nakapaloob sa joint statement ng Pilipinas at Japan sa makasaysayang bilateral meeting nina Pangulong Marcos at Japanese Prime Minister Fumio Kishida.

Sinabi ni Kishida na ito ay makakamit sa pamamagitan ng aktibong kontribusyon ng Official Development Assistance (ODA) at pamumuhunan sa pribadong sektor na JPY 600 bilyon sa Japanese Fiscal Years 2022–2023.

Muli ring pinagtibay ng Asian leaders ang kanilang pangako sa pagpapadali sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng nagpapatuloy at hinaharap na mga proyekto sa kooperasyong pang-ekonomiya sa pamamagitan ng High Level Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation tungo sa pagkamit ng Pilipinas ng UMIC status at higit pa.

Sa kanilang Joint Statement sinabi ni Pangulong Marcos na siya at ang Japanese PM ay nagkaroon ng “deeply engaging bilateral meeting” na sumasaklaw sa buong hanay ng relasyong bilateral ng Pilipinas-Japan.

“And after our meeting, I can confidently say that our Strategic Partnership is stronger than ever as we navigate, together, the rough waters buffeting our region,” ayon sa Presidente.

“The future of our relationship remains full of promise, as we continue to deepen and expand our engagements across a wide range of mutually beneficial cooperation,” dagdag pa ni Pangulong Marcos.

Samantala, ipinahayag din ng Japanese PM ang intensyon ng Japan na mag-ambag sa pagpapaunlad ng de-kalidad na impraestruktura ng transportasyon sa Pilipinas kaugnay ng programang “Build, Better, More” ng administrasyong Marcos, gayundin ang pantay na pag-unlad ng rehiyon sa Pilipinas kabilang ang Mindanao.

Inihayag din ni Kishida ang pagsuporta sa priority agenda ni Pangulong Marcos upang mapanatili ang competitiveness ng agrikultura ng Pilipinas at upang makamit ang food security, habang pinapataas ang farm productivity, efficiency at kita ng mga magsasaka.

Ikinatuwa ng dalawang pinuno ang paglagda sa isang memorandum of cooperation (MOC) na nagbibigay ng balangkas para sa kooperasyong pang-agrikultura, tulad ng pagtatatag ng Joint Committee on Agriculture, pagpapalitan ng mga patakaran sa pagpapaunlad ng agrikultura at kanayunan, kooperasyon sa matatag at napapanatiling agrikultura at mga sistema ng pagkain, teknolohiya, at pagpapalakas ng food value chain, at iba pa.

“Philippines is Japan’s neighbor across the ocean and is a strategic partner sharing fundamental values. Today, discussion was held with President Marcos on bilateral cooperation on economy, security and defense, and people-to-people exchange, and deepening of cooperation in wide-ranging areas were strongly affirmed,” sabi ni Kishida.
EVELYN QUIROZ