E-CARD PARA SA OFWS INILUNSAD NG OWWA

OWWA Administrator Hans Leo Cacdac-2

PORMAL nang inilunsad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kanilang e-card para sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Ang ginanap na launching ceremony sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, ay pinangunahan mismo ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

Ang naturang OFW e-card ay isang membership card na nagbibigay ng mas madaling access sa OFWs para sa mga government benefit ng mga ito.

Maaari rin nila itong magamit sa mga OWWA services gaya ng welfare programs, scholarship applications, training programs, at iba pang social benefits.

Ani Cacdac, makatutulong ang naturang e-card upang mabawasan ang mga kinakaila­ngang dokumento sa pag-a-aplay sa mga naturang serbisyo dahil kakailanganin na lamang ng OFWs na magpakita ng kanilang card o ang digital copy ng card, na may QR code na madaling i-scan para maberipika ang authenticity nito.

Bukod naman sa pagiging membership card, magsisilbi rin aniyang valid ID ang naturang e-card sa mga transaksiyong gagawin nila sa iba’t ibang government agencies na may kinalaman sa kanilang overseas deployment, gaya ng Department of Foreign Affairs, Philippine Overseas Employment Administration, Bureau of Immigration, at Philippine Overseas Labor Offices.

Maaaring mag-aplay  sa OWWA website ng e-Card ang mga OFW na aktibong miyembro ng OWWA at ang mga nasa ilalim ng Balik Manggagawa program na may balidong overseas employment certificates.

Paglilinaw naman ni Cacdac, libre lamang ang naturang e-card at maaaring i-claim pagbalik ng mga OFW sa Filipinas sa alinmang OWWA regional office nationwide.

Maaari rin naman itong i-claim ng kanilang family member, ngunit dapat na may dala silang authorization letter at kopya ng passport identification page ng OFW.

Nabatid na sa launching ng e-card kahapon ay 31 OFWs kaagad ang nabigyan nito, habang inaasahang aabot naman sa 250,000 Balik Manggagawa workers ang mabibigyan sa unang rollout nito.              ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.