DUMAMI ang mga reklamo laban sa online transaction habang naka-lockdown ang mga Pinoy dahil sa COVID-19 crisis, ayon sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI).
Mula Abril hanggang Mayo 2020, ang e-commerce complaints ay tumaas sa 8,059 mula sa 985 sa unang tatlong buwan ng taon.
Batay sa datos, ang pinakamaraming reklamo ay may kinalaman sa presyo tulad ng overpricing, sumusunod ang defective products, poor customer service, advertising o sales promo at deceptive practices.
Ang datos ay iprinisinta sa pagdinig ng House Committee on Trade and Industry sa House Bill 6122 o ang proteksiyon ng mga consumer at merchant na may kinalaman sa e-commerce.
Ayon kay Valenzuela 1st District Rep. Wes Gatchalian, chairman ng komite, batay sa datos ng DTI, kabilang sa mga inireklamo ang Facebook Marketplace, Lazada at Shopee.
Sinabi ni Lazada CEO Ray Alimurung na kasalukuyang itinatala ng kompanya ang kabuuang bilang ng mga reklamo para isumite sa komite kasabay ng pagtiyak sa mga mambabatas na ‘self-regulating’ ito pagdating sa mga seller sa platforms nito. “Lazada is very willing to cooperate with authorities and regulators,” ani Alimurung.
Binigyang-diin ni Gatchalian na napapanahon ang bill kung saan itinatakda nito ang paglikha sa E-Commerce Bureau sa ilalim ng DTI upang masiguro ang pananagutan ng sellers at platforms sakaling may kapalpakan.
“It also has a provision to ensure sellers and online platforms where they operate become ‘jointly and severally liable’ for complaints and wrongdoing,” sabi pa ni Gatchalian. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.