INILUNSAD ng Bureau of Immigration (BI) ang P328 million electronic gate system o ang tinatawag na e-Gate upang mabawasan ang clearing time ng mga pasahero sa immigration counter sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa BI, ang e-Gate ay naisakatuparan sa inisyatibo o tulong ng International Air Transport Association (IATA) na tinawag na Fast Travel program, para maging madali at mabilis ang clearing process sa bawat pasahero.
Inilunsad ang e-Gate para madaling mahuli o ma-pinpoint ang mga taong nasa under watchlist o ang sinasabing persons of interest sa immigration.
Ayon sa pahayag ni Marc Red Marinas, Port Operations Division (POD) chief ng BI, ang standard processing time ay 45 segundo lamang para ma-clear ang isang pasahero pagdaan sa immigration counter.
May 21 units ng e-Gates ang nailagay sa apat na international airports sa bansa na kinabibilangan ng NAIA Terminal 1, NAIA Terminal 3, Mactan-Cebu International Airport, Clark International Airport, at Davao International Airport – 2.
Ayon naman kay BI Commissioner Jaime Morente, ang NAIA 3 e-Gate ay inilunsad noong Hulyo 18 at inaasahan na ang paparating na mga Filipino galing sa ibang bansa ay may hawak o dala-dala nang machine readable passports para mapabilis ang proseso sa BI counter. F MORALLOS
Comments are closed.