E GOV PH SUPER APP INILUNSAD

PARA sa kumbin­yente ng mga Pilipino at mabilis na pakikipag-transaksyon sa ibat ibang government agenies sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng online services sa iisang platform kaya inilunsad ang eGovPH Super App.

Ang launching ay isinagawa sa selebrasyon ng National Information and Communication Technology Month na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacanang.

Ayon sa Pangulo, ang nasabing app ay tugon para sa mabilis na paggamit sa digitalization dahil mag-uudyok ito ng mabilis na pagsulong para sa interconnectivity, infrastructure at digitalization para mapalakas ang ekonomiya at labanan ang korupsiyon.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng partnership ng gobyerno sa pribadong sektor para sa matagumpay na pagpapatupad ng inisyatiba at upang matiyak ang cybersecurity.

Sa pamamagitan ng Super App, maa-access at mapakinabangan ng mga Pilipino ang mga serbisyo ng gobyerno, tulad ng valid na personal na pagkakakilanlan sa digital format, mahahalagang pang-araw-araw na pangunahing serbisyo ng gobyerno; e-tourism at e-travel na serbisyo; e-payments at mga serbisyo sa pagbabangko; at, maging kapaki-pakinabang na balita at impormasyon tungkol sa iba’t ibang paksa.

Ang eGov PH Super App ay maaari ring palawakin at pahusayin sa mga update sa hinaharap.
EVELYN QUIROZ