KAHIT noong wala pa sa kapangyarihan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., laganap na raw ang korupsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Parang nakabalot na raw ito sa Pilipinas.
Sabi nga, baka sa panaginip na lamang matatamo ang sinasabi nilang “malinis na paglilingkod.”
Nagdudumilat ang katotohanan na hindi raw gagalaw ang mga papeles o dokumento sa pamahalaan kung walang padulas.
Matagal ang hihintayin ng taumbayan para makakuha ng permit o anumang business documents dahil kailangang maglagay.
Imposible raw na mawala ang bahid ng korupsiyon.
Sa katunayan, natatandaan ko pa na sa Global Corruption Index 2022, nasa “medium risk” ng korupsiyon ang bansa.
Ang Corruption Perception Index ay ibinatay sa isinagawang pag-aaral ng Transparency International.
Kung hindi ako nagkakamali, nasa ika-105th ang Pilipinas sa 196 na bansa sa usapin ng korapsiyon na malayo sa ika-111 noong 2020 at 102nd noong 2021.
Aba’y kung susuriing mabuti, napakalayo ng puwesto ng bansa sa mga kapitbahay natin sa Timog Silangang Asya tulad ng Singapore, ika-13; Malaysia (49th), Brunei (79th), Indonesia (98th) at Thailand (101st).
Ang Norway, Finland, Sweden, Estonia, Denmark, New Zealand, Iceland, Ireland at Australia naman ay very low risk sa corruption.
Kaya nais ng administrasyon ni Pangulong Marcos na magkaroon ng reporma sa iba’t ibang sangay ng gobyerno.
Ito ang dahilan kaya inilunsad ang eGov Ph Super App kamakailan sa pangunguna nina PBBM, Department of Information and Communications Technology (DICT) Sec. Ivan John Uy, Department of Finance (DOF) Sec. Benjamin Diokno, Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista, Anti-Red Tape Authority (ARTA) Sec. Ernesto Perez, DITO Telecom Chief Administrative Officer Adel Tamano, Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero de Vera, at iba pang mga opisyal ng pamahalaan.
Ipinagdiwang din kasi ang “National ICT Month” na nakatuon sa temang, “Connecting Communities, Enriching Lives, Forging a Digital Future for the Philippines” kung saan sumasaklaw ito sa pananaw ng pamahalaan sa isang digitally-empowered nation para sa kapakinabangan ng lahat ng mga Pilipino.
Maaaring gawin sa eGov Ph Super App ang lahat ng mga transaksyon sa Philippine National Police (PNP), PhilHealth, Pag-IBIG, Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), Department of Trade and Industry (DTI), Securities and Exchange Commission (SEC), at iba pang government agencies.
Ito ang kauna-unahang one-stop platform kung saan hindi lamang national government transactions ang maaaring gawin kundi maging sa mga lokal na pamahalaan.
Bahagi ito ng hangarin ng administrasyong Marcos na makamit ang ease of doing business at ma-integrate ito sa National ID system.
Pagsasama-samahin sa super app ang nasa 200 government websites.
Naniniwala nga si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng platform na ito ay mababawasan ang korupsiyon.
Dito’y ginawa na ngang simple ang public services at walang discretion mula sa mga government employee.
Sa wakas, maiiwasan na rin ang malaon nang problema ng publiko sa talamak daw na pakikipagsabwatan ng mga tiwaling kawani ng gobyerno sa mga fixer.
Nakikita naman natin at nararamdaman ang pagsisikap ng Presidente na malinis sa korupsiyon ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa pamamagitan ng digitalization at iba pa.
Matagal pa ang lalakbayin ng administrasyong Marcos pero naniniwala naman ako na seryoso ang ating Presidente sa kanyang mga isinusulong na polisiya at programa.