E-GOVERNANCE BILL ANGKOP SA DIGITAL AGE

KINAMUMUHIAN  ng mga negosyante ang red tape.

Ito ay inilalarawan bilang mga sagabal na proseso at sistema sa gobyerno na patuloy na nagpapahirap sa iba’t ibang sektor.

Mas lalong ayaw ito ng mga foreign investor sa mga bansang talamak ang red tape.

Nariyan ang suhulan o lagayan ng pera.

Sa ganitong paraan kasi, napapabilis ang transaksiyon ng nilalakad na papeles.

Ang pinakasimpleng tawag dito ay padulas.

Kailangang magkaroon ng perang padulas para maging mabilis ang pag-usad ng anumang inaayos na dokumento o papeles.

Namumuhi ang mga dayuhang investor sa ganitong sistema.

Galit na galit sila sa mga salarin.

Sa Pilipinas, namamayagpag ang mga gumagawa nito.

Talamak pa raw din ang red tape sa bansang ito.

Noong mga nakaraang taon bago pumasok ang administrasyon ni dating Pang. Rodrigo Duterte ay iniiwasan ang Pilipinas ng mga dayuhang investor.

Aba’y hindi raw sila baliw para mag-invest sa bansang laganap ang red tape o ang katiwalian.

Mahirap nga namang maglagak ng pera sa isang bansang tirahan ng mga masahol pa sa gutom na buwaya.

Magkaiba nga lang daw sila.

Ang mga buwaya ay tumitigil kapag nabusog na habang ang mga tiwali ay hindi.

Bondat na nga at umaapaw na ang pera ay kukurakot pa.

Ito raw ang dahilan kaya isinusulong ang e-governance bill na ngayo’y nakalusot na sa House Committee on Appropriations.

Sabi ni House Committee chairman at Ako Bicol Party List Rep. Elizaldy Co, ang inaprubahang substitute bill ay layong maisulong ang transisyon ng gobyerno patungo sa e-governance upang makasabay sa makabagong panahon o digital age kung saan nakapaloob din dito ang pagtatatag ng Philippine Infostructure Management Corporation (PIMC).

Ito raw ang magpapahusay sa serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng interoperability at pag-maximize o sagarang paggamit sa resources ng gobyerno.

Kung hindi ako nagkakamali, sina House Speaker Martin Romualdez, Tingog Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos ang may-akda ng bill na kabilang sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sakaling maipasa, magiging prayoridad na ang paggamit ng Information and Communication Technology (ICT) sa pagbabago ng mga proseso, operasyon, at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan na mas nakasentro sa mamamayan, interconnectivity, at transparency habang saklaw nito ang lahat ng executive, legislative, at judicial offices.

Siyempre, sakop din dito ang local government units, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations, gayundin ang iba pang kinauukulang ahensya na nagbibigay ng mga serbisyong may kaugnayan sa pagnenegosyo at transaksiyon na walang kinalaman sa kalakalan.

Maganda nga naman ang digital transformation dahil ito ang magbibigay-daan sa pamahalaan para makapagbigay ng mabilis, transparent o bukas, at mahusay na serbisyo-publiko.

Sa totoo lang, maganda ang layunin ng e-governance bill.

Ngunit dapat munang pag-aralan itong mabuti.

Mayroon na naman tayong Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 habang may nabuo nang ARTA (Anti-Red Tape Authority) ang dating administrasyon.

Hindi nga lang maitatatwa na may mga nagaganap pa ring red tape.

Sa palagay ko, dapat na ring buhayin ng kinauukulang ahensya tulad ng Civil Service Commission (CSC) ang dating red tape test.

Mahalagang magkaroon ng listahan ng mga ahensyang bagsak ang performance at kailangan pang lagyan para gumalaw ang kanilang papeles o dokumento na nilalakad.

Nawa’y masampolan ang mga sagad sa buto ang namamayaning red tape.

Masyadong makakapal na ang balat ng mga sangkot dahil nasanay na sa “under the table” o may padulas na pera.
Mukhang nawawala na sa isipan nila na ang pinagsisilbihan nila ay publiko o mamamayan.