NASA makabagong panahon na tayo.
Halos lahat ay gumagamit na ng online transactions.
Isinusulong din ng adiministrasyon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang digitalization.
Ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) naman daw ay balak na ring gumamit ng makabagong teknolohiya.
Sa ganitong paraan daw, aba’y mas mapadadali ang access ng mga Pilipino sa paglalaro ng lotto games ng PCSO.
Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, kung matutuloy ang ‘online betting’, bukod sa mas magiging abot-kamay na ng lahat ang lotto games ay inaasahan din na mas lalaki ang revenue ng gobyerno.
Ang kita ng PCSO ay ipinantutulong din sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng Medical Access Program ng ahensiya.
Sa ngayon naman, tanging sa mga outlet pa lamang ng lotto maaaring laruin ang games ng PCSO.
Kaya huwag magpapaniwala sa mga naglipanang scam sa social media na gumagamit ng logo at pangalan ng ahensiya sa kanilang mga laro na wala namang katotohanan.
Samantala, nakaamba muli ang tigil-pasada sa susunod na linggo. Tiyak na tambak na naman ang mga pasahero sa mga terminal.
Ang protesta ng mga transport group laban sa jeepney phaseout ay magaganap mula Marso 6 hanggang 12.
Ngunit may magandang balita naman daw para sa mga tsuper.
Naglaan kasi ang administrasyong Marcos ng P4 bilyon ngayong taon para sa fuel subsidy ng mga driver at magsasaka.
Maganda ito habang patuloy na bumabangon at bumabawi ang bansa mula sa pandemya.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), huhugutin ang pondo mula sa regular budget ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
Sabi nga ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, may kabuuang P3 bilyon ang inilaan sa national budget para saklawin ang fuel vouchers para sa mga kuwalipikadong public utility vehicle (PUV), taxi, tricycle, at full-time ride-hailing at delivery service drivers sa buong bansa.
Ang pondo raw na ito ay mas mataas ng P500 milyon kumpara sa P2.5 bilyon para sa fuel subsidy program noong nakaraang taon.
Nawa’y maipamahagi naman ito bago ang transport strike.
Mabuhay ang Marcos admin at si PBBM!