E-PAINTERS O ROAD WARRIORS?(Huling q’finals berth pag-aagawan)

Laro ngayon:
(Philsports Arena)
6:30 p.m. – NLEX vs Rain or Shine

SINUMAN ang maging eighth seed, ang koponang ito ay mahaharap sa matinding hamon kontra twice-to-beat top-seeded Bay Area Dragons sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals.

Subalit ang makapasok sa quarters ay isang pagsubok bago ang “major, major test.”

Tumapos na tabla sa ika-8 puwesto na may magkatulad na 5-7 marka sa pagwawakas ng single-round-robin elims, ang Rain or Shine at NLEX ay magsasalpukan sa isang knockout playoff ngayong alas-6:30 ng gabi sa PhilSports Arena.

Ang Road Warriors ay nagwagi sa kanilang huling dalawang laro (120-117 kontra Barangay Ginebra, 92-81 vs Meralco), habang yumuko ang Elasto Painters sa kanilang huling laro laban sa Magnolia Hotshots, 106-90.

Ang dalawang koponan ay maghaharap sa ikalawang pagkakataon matapos ang kanilang initial face-off noong Sept. 23 — ilang araw makaraang muling kunin ni coach Yeng Guiao ang head coaching duty sa Rain or Shine matapos na hindi na palawigin ang kanyang kontrata sa NLEX.

“They’re playing well, at least better now,” sabi ni Guiao. “Maybe they’re getting their rhythm and getting used to a new system. So it’s going to be a big challenge. Plus yung import nila, maayos naman eh. High-scoring import.”

Makaraang makakuha ng tulong sa Magnolia, sinabi ni Frankie Lim na hindi nila dapat sayangin ang pagkakataon.

Aniya, gagawin nila ang lahat para makuha ang huling quarterfinals berth.

Ang unang pitong quarterfinalists ay ang Bay Area, Magnolia, Barangay Ginebra, Converge, San Miguel Beer, NorthPort at Phoenix Super LPG.

Sinabi ni Guiao na mahalaga na mapigilan ang NLEX import.

Gayunman, kailangang gawin ito ng Elasto Painters na wala si major frontcourt player Beau Belga na nagpapagaling sa strained calf na kanyang natamo sa kanilang laro kontra Blackwater.

Pinanood lamang ni Belga sa bench ang kanilang pagkatalo sa kanilang huling laro kontra Hotshots.

Si NLEX import Earl Clark ay may averages na 31.9 points sa 53-percent shooting, 15.9 boards, 3.9 assists, 2.4 blocks, at 1.4 steals.

“Tingin ko, heavily reliant sila (NLEX) on his scoring,” ani Guiao. “Pagka kasi medyo sumasama yung laro ng import, sama sila eh. Pagka gumaganda ‘yung laro ng import, ganda rin laro nila. So I think the key is really trying to manage or contain the scoring of the import.”

CLYDE MARIANO