E-PAINTERS PALALAKASIN ANG Q’FINAL BID

Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5 p.m. – Rain or Shine vs Phoenix
7:30 p.m. – Blackwater vs Ginebra

SISIKAPIN ng Rain or Shine na makalapit sa kanilang kagyat na target sa pagharap sa Phoenix Super LPG crew na hangad ang breakout win sa PBA Governors’ Cup ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium.

Nakatakda ang salpukan sa unang laro sa alas-5 ng hapon.

Sakaling makaulit ang Elasto Painters laban sa Fuel Masters, ang kanilang Group B-leading record ay aangat sa 5-1 at lalapit sa pagsasakatuparan sa layunin na itinakda ni coach Yeng Guiao.

“Kailangan namin ng six wins, so ‘pag nanalo kami we feel one foot inside the door na kami sa quarterfinals,” sabi ni Guiao. “We look at it that way. Kumbaga ang importante lang makarating kami ng next round ng the sooner, the better.”

Ang top four teams mula sa bawat grupo ay aabante sa crossover quarterfinals matapos ang 10-game intragroup eliminations.

Batid ni Guiao na hindi magiging madali ang laban sa kabila ng 0-5 kartada ng Phoenix at ng 116-99 panalo ng Elasto Painters kontra Fuel Masters sa una nilang paghaharap:

“We are cautious in our approach to the Phoenix game kasi tinalo namin iyan wala silang import pero nahirapan pa rin kami. Nu’ng bandang huli lang kami nakalayo,” paliwanag ni Guiao.

“Now they have a good import. They’ve been struggling, yes. But I think their import is also just making the adjustments. By Tuesday he must be better adjusted to the team and our style of play so we will have a harder time putting together a win against Phoenix this time.”

Tunay na si Brandone Francis ang bright spot para sa Phoenix, na may average na 39 points, 8.0 rebounds, at 6.0 assists sa dalawang games na kanyang nilaro.

At kahit walang import, ang Phoenix ay matikas na nakihamok sa kanilang Aug. 30 matchup, kumarera sa maagang 12-point lead bagi humabol mula sa dalawang 20-point deficits upang magbanta sa 86-91 sa final quarter. Mabuti na lamang at marami pang natitirang lakas ang Rain or Shine upang buguin ang Phoenix.

“We had a hard time against them before. Now their import is getting to know their team better so ang tingin namin mas mahirap itong laro na ito,” sabi ni Guiao.

Sa main game sa alas-7:30 ng gabi ay magsasagupa ang Barangay Ginebra at Blackwater sa duelo ng dalawang koponan na kapwa asam ang ika-4 na panalo sa Group B play.

Sa kanilang unang paghaharap ay iginiya ni debuting PBA import George King ang Blackwater sa 95-88 stunner.

Si King, isang prized import na naglaro para sa Phoenix Suns at Dallas Mavericks, ay nagbuhos ng 33 points at 19 rebounds sa naturang laro.

At napanatili niya ang kanyang magandang laro sa local pro league, tinulungan ang Bossing na manatili sa kontensiyon sa 3-3 sa dalawa pang panalo kontra Phoenix Super LPG Fuel Masters, 123-111, at NLEX Road Warriors, 110-109.

Determinado silang hilahin ang kanilang winning run sa apat na laro.

“We’re fortunate to have won the last three games but we feel like our backs are still against the wall and we need to keep pushing,” wika ni Blackwater coach Jeff Cariaso.
CLYDE MARIANO