E-PAINTERS PINALAKAS ANG Q’FINALS BID

UMISKOR si Rain or Shine import Demetrius Treadwell laban kay Javier de Liano ng Terrafirma sa kanilang laro sa PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Araneta Coliseum. Kuha ni RUDY ESPERAS

Mga laro bukas:
(Araneta Coliseum)

4 p.m. – San Miguek vs  Phoenix

6:39 p.m. – Ginebra vs TNT

PATULOY ang Rain or Shine sa pagbangon at pinalakas ang kanilang quarterfinal drive sa PBA Commissioner’s Cup kasunod ng 116-105 pagbasura sa Terrafirma nitong Sabado sa  Smart Araneta Coliseum.

Galing sa  morale-boosting 113-110 upset laban sa dating walang talong Magnolia sa Cagayan de Oro, pinataob ng Elasto Painters ang  Dyip para sa kanilang ika-4 na sunod na panalo matapos ang  0-5 simula.

Ang panalo ay nagpatatag sa Rain or Shine sa eighth spot sa 4-5, angat ng isang buong laro sa  closest rival NLEX (3-6).

Nalasap ng Dyip ang ika-6 na sunod na kabiguan para mahulog sa 2-7 overall at nabigong maipuwersa ang three-way tie sa No. 8 kasama ang ROS at NLEX.

Malaki ang naiambag ng locals ni coach Yeng Guiao sa pangunguna nina Beau Belga (18), best player of the game Jhonard Clarito (career-high 16), Leonard Santillan (16) at Andre Caracut (13) habang solid si import Tree Treadwell na may 16 markers at  19 rebounds.

“It’s been a good combination of locals and our imports. Our chemistry is getting better every game and maganda iyung sa lahat ng panalo namin, iba-iba ang naging best player so na-spread out iyung contribution,” sabi ni Guiao.

Ang ROS ay papasok sa Christmas at New Year break na mataas ang morale at dadalhim ang  momentum  sa kanilang pagbabalik sa aksiyon kontra TNT at Converge sa January upang selyuhan ang quarterfinal ticket.

“Usapan namin gusto namin sa Pasko galing kami sa panalo. This is our last game of the year so masarap mag Noche Buena and Media Noche na galing sa panalo. Saka gusto namin ma-preserve iyung gains namin sa three straight wins and this could be our fourth,” sabi ni Guiao, na ang koponan ay gumamit ng 22-15 blast sa huling  10 minuto upang makalayo.

“We expected a hard game. Hindi naman basta-basta tatalunin ang Terrafirma because they’re also fighting for survival. Pag nanalo sila, magtatabla-tabla kami sa eighth place (along with NLEX). So we knew they’ll play their hardest,” dagdag pa niya.

Umiskor si Thomas De Thaey ng 31 points – isang PBA high – para sa  Terrafirma.

CLYDE MARIANO

Iskor:

Rain or Shine (116 ) – Belga 18, Clarito 16, Santillan 16, Treadwell 16, Caracut 13, Datu 12, Belo 7, Ildefonso 6, Nocum 5, Asistio 3, Mamuyac 2, Nambatac 2, Demusis 0, Norwood 0.

Terrafirma (105)  – De Thaey 31, Tiongson 19, Alolino 16, Carino 15, Holt 8, Ramos 7, Go 5, Miller 2, Daquioag 2, Cahilig 0, Calvo 0, Camson 0, Gomez de Liano 0.

QS: 25-26, 58-51, 87-85, 116-105.