Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – Ginebra vs Rain or Shine
HINDI nakaapekto sa Rain or Shine ang masamang pagkatalo sa Barangay Ginebra sa pagsisimula ng kanilang PBA Commissioner’s Cup semifinal series.
Sa katunayan, sinabi ni coach Caloy Garcia na higit na kumpiyansa ang kanyang Elasto Painters sa re-scheduled Game 2 ng kanilang best-of-five duel sa Kings ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum.
“We remain positive and understand it’s just a matter of exerting more effort and being more disciplined,” wika ni Garcia sa bisperas ng laban.
Kinuha ng Ginebra ang series opener, 102-89, noong Linggo sa larong matikas ang naging simula nito sa pagtarak ng 18 puntos na kalamangan bago inapula ang mainit na paghahabol ng Rain or Shine sa second half.
Nakatakda sana ang Game 2 noong Martes subalit kinansela ito ng liga matapos isaalang-alang ang kapakanan ng players at fans dahil sa masamang panahon.
Ayon kay Garcia, ang pagpapaliban ay nakatulong sa kanyang tropa, gayundin sa Ginebra.
“Basically, I think it works for both sides because Japeth (Aguilar) gets (more time) to heal while we had more practices than going to the first game,” paliwanag ni Garcia.
Si Aguilar ay hindi naglaro sa opener dahil sa left Achilles injury na kanyang natamo sa quarterfinals-clinching game laban sa Meralco noong nakaraang Miyerkoles. Hindi pa masiguro kung makapaglalaro siya ngayong gabi.
Ang Rain or Shine ay dalawang araw lamang nakapag-ensayo bago ang Game 1 makaraang mapuwersa sa ‘rubber match’ ng GlobalPort sa kanilang hiwalay na quarterfinals duel. CLYDE MARIANO
Comments are closed.