Mga laro ngayon:
(Ninoy Aquino Stadium)
5:30 p.m. – Meralco vs Converge
7 p.m. – Ginebra vs Phoenix
NANALASA si Adrian Nocum sa overtime para sa Rain or Shine upang gapiin ang NLEX, 123-114, at makabalik sa winning ways sa PBA Governors’ Cup kagabi sa Ninoy Aquino Stadium.
Naitala ni Nocum ang pito sa 13 points ng Elasto Painters sa overtime at nabawi nila ang solo lead sa Group B na may 6-2 kartada, kasunod ang San Miguel at Ginebra na kapwa may 5-2 record.
Sa panalo ay nakopo rin ng Elasto Painters ang isang puwesto sa quarterfinals.
Nasayang ng Rain or Shine ang 103-93 lead sa fourth quarter makaraang pangunahan nina Robert Bolick at bagong NLEX import DeQuan Jones ang 17-5 run upang kunin ang 110-108 kalamangan.
Subalit naipasok ni Jhonard Clarito ang isang putback upang itabla ang talaan sa huling 19.1 segundo habang dinepensahan ni Nocum si Bolick sa final play upang pigilan ang game-winner.
Pagkatapos ay nag-init si Nocum sa overtime kung saan isinalpak ng sophomore guard ang tatlong sunod na free throws bago ang kanyang jumper na nagbigay sa Rain or Shine ng 118-114 kalamangan. Pinuwersa niya si Bolick na gumawa ng turnover, na nagsaayos para sa isang and-one play para sa kanya na nagpalobo sa kanilang kalamangan sa anim na puntos.
Ang foul ni Bolick laban kay Anton Asistio mula sa three-point area ang nagselyo sa panalo ng Elasto Painters kung saan naipasok ng huli ang lahat ng freebies.
Tumapos si Asistio na may 25 points, habang nagdagdag si Aaron Fuller ng 23 points at 25 rebounds para sa Rain or Shine, na nakabawi mula sa 22-point defeat kontra Barangay Ginebra noong Biyernes.
Nakakuha naman ang Road Warriors ng 49 points mula kay Jones na kumalawit din ng 11 rebounds at 2 steals habang nag-ambag si Bolick 28 points, 11 boards, at 9 assists.
CLYDE MARIANO