E-PAYMENT NG SAHOD SUPORTADO NG DOLE, BSP

E-PAYMENT

NAGPAHAYAG ng suporta ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa e-payment ng sahod sa pamamagitan ng formal accounts para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon sa DOLE, ang e-payment ng suweldo sa pamamagitan ng formal accounts ay makatutulong sa pagsusulong ng financial inclusion ng mga manggagawa at ng epektibong pagbabantay sa tamang pagbabayad ng sahod.

Sa joint forum na isinagawa ng DOLE at BSP, kasama ang labor sector, nitong Lunes, binigyang-diin ni Labor Undersecretary Claro Arellano ang pangangailangan sa pagbubukas ng formal account para sa pagbabayad ng sahod sa halip na manual cash disbursement para sa mabilis na beripikasyon.

Sa binanggit na 2017 Global Findex Report, sinabi ng labor senior official na 6.6 porsiyento lamang ng wage earners sa pribadong sektor ng bansa ang tumatanggap ng sahod sa pamamagitan ng formal account, kung saan ito ay naka-deposito o e-money account na pinangangasiwaan ng financial institution.

“Ang mababang financial inclusion ng mga wage earner ay maaaring maging sanhi ng pang-aabuso sa mga manggagawa at paglabag sa batas-paggawa dahil mahirap beripikahin o patunayan na naibibigay ang kanilang tamang sahod at iba pang benepisyo,” aniya.

Ang inisyatiba ay bahagi ng National Strategy for Financial Inclusion para sa layunin na gawing matatag ang bansa kung saan may epektibong pa­raan para ang lahat ay makinabang sa mga financial product.

Bagama’t wala pang batas o regulasyon ukol dito, binigyang-diin ni Undersecretary Arellano ang kahalagahan ng pagbabayad ng sahod gamit ang formal account.

Para sa mga employer, ang electronic payment ng sahod ay hindi lamang makapagpapaigsi sa oras ng transaksiyon, kundi makababawas din ito sa administration at overhead cost, at sa mga insidente ng leakage tuwing may disbursement.

Para sa mga empleyado, ang formal account ay nangangahulugan ng easy access sa financial pro­duct, kasama ang savings, credit, insurance at in-vestment.

“E-payment or the digital payment of wages are valuable and practical tools which can also benefit  vendors, jeepney dri­vers, tricycle drivers and employers,” wika naman ni BSP Governor Benjamin Diokno sa kanyang talumpati sa naturang forum.

“Our vision is to have more market vendors, jeepney, and tricycle dri­vers accepting digital payments through QR code linked to transaction ac-counts. This means we do not have to always bring cash with us when we go to work or the market– thereby reducing risk of theft,” sabi pa ni Diokno.

Ang kahalagahan ng pagbabayad ng sahod sa pamamagitan ng formal account ay kinikilala na ng mga bansang Thailand, Qatar, India, Finland, ­Singapore, at Bangladesh.                       PAUL ROLDAN