MAKATUTULONG sa paglutas sa problema sa trapik ang pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang muling iginiit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) general manager Jojo Garcia kasabay ng pagbibigay-diin na mas mapabibilis nito ang pagpapatupad ng mga patakaran na naglalayong maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
“Of course with emergency powers, mas mapabibilis,” ayon kay Garcia.
“Kung may emergency power, it depends what kind of emergency power, it will shorten some policy-making. Then if we can make some policies then we can enforce it,” aniya.
Ani Garcia, maraming patakaran na ginawa ng MMDA para malutas ang problema sa trapiko ang hinarang at pinigilan, kabilang ang dry run ng provincial bus ban kasunod ng paglabas ng injunction order ng isang korte sa Quezon City.
Ang pahayag ay ginawa ni Garcia makaraang sabihin ni Duterte sa isang talumpati noong Miyerkoles na hayaan na lang mabulok ang EDSA kung hindi siya mabibigyan ng emergency powers.
Ani Garcia, hindi malayong mabulok ang EDSA, tulad ng sinabi ni Duterte, kung hindi susunod ang mga motorista sa mga batas-trapiko.
Gayunman, tiniyak ng opisyal na gagawin ng MMDA ang kanilang trabaho para malutas ang problema sa trapiko, bigyan man ng emergency powers o hindi ang Pangulo.
Si Duterte ay humingi rin ng emergency powers para malutas ang problema sa trapiko sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) noong 2016.
Comments are closed.