E-POWERS KAY DU30 PARA SA PAGTUGON SA BAGYO

Secretary Emmanuel Piñol

HINIKAYAT ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang mga lokal na opisyal na suportahan ang kanyang panukala sa Kongreso na pagkalooban si Pangulong Rodrigo Duterte ng emergency powers upang tulungan ang mga magsasaka matapos ang bagyo.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang bagyong  Ompong ay nag-iwan ng P1.8 bilyong pinsala sa agrikultura sa buong Luzon, habang may P26.7 bilyong halaga ng mga pananim at livestock ang nawasak dahil sa bagyong Rosita sa parehong lugar.

Paliwanag ni Piñol, sa kawalan ng emergency powers para kay Duterte, ang mga lokal na opisyal ay kailangang humingi ng tulong sa DA, na siyang magba-validate sa  request at ieendorso ito sa Department of Budget and Management (DBM),  na mangangailangan naman ng panibagong pagberipika bago magsagawa ng rekomendasyon sa Office of the President.

Aniya, maaaring hindi makapagtanim ang mga magsasaka at hindi mapalitan ang kanilang mga napinsalang pananim dahil sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng tulong ng pamahalaan.

“Kailangan bilisan iyung interventions at iyung ating Pangulo ay dapat mabigyan ng elbow room na makapaggamit ng pondo ng gobyerno,” ani Piñol.

“Ang aking mensahe sa mga local official ay suportahan ang aking panukala na hingin sa Kongreso na bigyan ng emergency powers ang ­Pangulong Duterte kasi sunod-sunod ang trahedyang tumama sa atin, eh,” dagdag pa niya.

Comments are closed.