E-POWERS SA TRANSPORT OFFICIALS

Rep Edgar Mary Sarmiento

IGINIIT ng isang kongresista ang pangangaila­ngan na pagkalooban ang mga transportation official ng emergency powers sa harap ng tumitin­ding trapik sa Metro Manila.

Ayon kay House Transportation Committee chair at Samar 1st District Rep.  Edgar Mary Sarmiento, umaabot sa anim na oras ang biyahe ng mga commuter sa Metro Manila papasok at pauwi mula sa trabaho.

“Anim na oras yata ang nawawala sa ating mga kapatid, sa biyahe lang — tatlong oras papunta sa opisina, tatlong oras naman pauwi,”  anang kongresista.

Dahil sa sitwasyong ito, sinabi ni Sarmiento na kailangang agad na masolusyunan ang problema sa trapiko sa pamamagitan ng pagkakaloob ng emergency powers at pagsasailalim sa lahat ng transportation-related agencies sa Department of Transportation (DOTr).

Sa ilalim ng panukalang Traffic Crisis Act, ang lahat ng ahensiya na may kinalaman sa transportasyon tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay ipapasailalim sa DOTr.

Ang panukala ay aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara, subalit hindi pa ito naisasabatas.

“Ibinibigay sa Secretary ng Department of Transportation ang lahat ng dapat gawin ng DOTr, kung ano’ng dapat gawin, under na po ng opisina ng DOTr ang lahat ng ahensiya na dapat tutulong sa kanya,” ani Sarmiento.

Comments are closed.