INILUNSAD na ng Commission on Elections ang e-rally FB page para sa libreng pangangampanya ng mga kandidato sa ilalim ng new normal na bubuksan sa Pebrero 8.
Sa tulong nito, libreng mapapanood ng mga botante sa gabi ang live stream ng mga national candidate na bahagi ng hakbang ng Comelec sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Ayon kay Comelec Spokesperson Dir. James Jimenez, magkakaroon ng patas na pagkakataon ang bawat mga kandidato na makilatis, makilala at matulungan ang publiko partikular na ang mga botante sa kanilang iboboto.
Sakaling simulan ang e-rally FB page, ilalabas ang tatlong political ads ng mga kandidato sa pagkapangulo kada gabi na mayroong tig sampung minuto; tatlo sa pagka-bise presidente na mayroon ding tig sampung minuto; lima sa pagkasenador na mayroong tig tatlong minuto; lima sa partylist organization na mayroong tig tatlong minuto at tatlo naman sa political parties na mayroong tig-sampung minuto.
Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na mailahad ang kanilang plataporma at maipaabot sa mga botante ang nais at kanilang mga plano para sa bansa. DWIZ882