E-SABONG BAN INIINDA NG MAGSASAKA SA ISABELA, PANANIM MABUBULOK NA

e-sabong

ILANG magsasaka sa Echague, Isabela ang patuloy na umaaray sa matinding krisis dulot ng pagbabawal sa online cockfighting o e-sabong.

Sinabi ni Jay-ar Dagman, dating nakikinabang sa operasyon ng e-sabong, na malubha ang naging epekto ng pagpapatigil ng online sabong sa kanyang monthly income.

“Bumaba po at mahina po ‘yung demand ng mais [dahil sa suspensiyon ng e-sabong]. Walang kumukuha sa amin,” sabi ni Dagman sa isang panayam.

“Mahirap kasi mahal ‘yung mga bilihin tulad ng mga abono na ginagamit namin para lumaki ‘yung mga mais namin. Bumababa ‘yung demand nila,” dagdag pa niya.

Nababahala rin ang magsasaka sapagkat inaasahang bababa ang presyo ng animal feeds sa merkado dahil sa pagbaba ng demand.

“Pababa ‘yung presyo ng mais gawa ng kakaunti ‘yung demand ng mais. ‘Yung mga kakain sana e, nakukulangan,” aniya. “Para maibenta na agad at mahabol namin ‘yung presyo kasi bababa pa ‘yan.”

Samantala, problema rin ang posibilidad na mabulok ang mga ani kung hindi ito ipagbibili sa kahit murang halaga.

Mayo nitong taon nang ipag-utos ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapahinto sa mga operasyon ng e-sabong sa buong bansa.

Sa kasagsagan ng e-sabong, una nang naiulat na mayroong P650 million revenue loss kada buwan ang PAGCOR mula sa gamefowl industry.

Hindi bababa sa P1.37 bilyon ang nakolekta mula sa pitong lisensiyadong e-sabong operators mula Enero hanggang Marso 2022. Sa pagbabawal sa e-sabong, inaasahan ng PAGCOR ang P5 billion revenue loss ngayong taon.

Nangangamba naman si Dagman sa posibilidad ng unti-unting pagbagsak ng kanyang kabuhayan.

“Kung magpapatuloy ito kawawa kami, dapat sana mas marami ‘yung katulad ng baboy para tumaas naman presyo ng mais namin,” diin pa ng magsasaka.

“Last year po kasi marami ‘yung mga kumakain na baboy at manok, e ngayon kaunti na lang pinapakain, mga baboy na lang,” aniya.

Ang pagbabawal sa operasyon ng e-sabong ay patuloy na iniinda ng iba’t ibang negosyong konektado sa gamefowl industry. Tinatayang nasa 3.2 milyong Pilipino ang nawalan ng kabuhayan dulot nito.