HINDI ipahihinto ng Malacañang ang operasyon ng E-Sabong hangga’t wala pang pinal na report ang mga awtoridad sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa 34 na mga nawawalang sabungero.
Base sa nilagdaang memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea kahapon, kailangan na magsagawa pa ng mas malalim na pagsisiyasat ang National Bureau of investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) hinggil sa kaso kung saan dapat na maihain nila sa tanggapan ng pangulo at Department of Justice ang kanilang official report sa loob ng 30 araw.
Pinatitiyak din ng palasyo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa posibleng mga paglabag sa ipinatutupad na E-Sabong licensees na nakapaloob sa terms of agreement.
Nais din ng Malacañang na malaman kung naipatutupad sa mga operasyong ito ang security at surveillance requirements na nakasaad sa regulatory framework ng e-sabong off cockpit betting station, kung saan lahat ng game sites nito ay dapat na mayroong CCTV. JOPEL PELENIO-DWIZ882