E-SYSTEM NG IBA’T IBANG AHENSIYA NG GOBYERNO BAHAGI NG MODERNISASYON

NGAYONG modernong panahon, bahagi na ng pang-araw-araw nating buhay ang teknolohiya.

Kung dati, tatlo lang daw ang pangunahing pangangailangan ng tao na kinabibilangan ng pagkain, tirahan at kasuotan, ngayon ay tila naging apat na dahil sa pamamayagpag ng teknolohiya o iba’t ibang modernong kagamitan o kasangkapan.

May mga pag-aaral nga sa ibang bansa na nagsasaad na hindi na ang tao ang gumagamit sa teknolohiya kundi ito na ang gumagamit o kumokontrol sa tao.

Kahit nga naman sa inuman, madalas nagkakaasaran dahil ang kaharap sa mesa ay sa cellphone nakatutok.

Pagse-cellphone ang pinagkakaabalahan nila habang may mga nakikipag-chat sa kasintahan o naglalaro ng sikat na online games tulad ng Mobile Legends at iba pa. Ang dating face-to-face na bardagulan ay naging online na rin.

Ngunit ang teknolohiya nga ba ang tunay na salarin sa ilang negatibong nangyayari sa sangkatauhan?

O baka naman mahiyain lang talaga ang ibang tao? Sa kawalan ng kakayahang makipag-ugnayan nang personal, sa social media o sa Facebook na lang idinadaan o sinasabi ang mga salitang hindi masambit nang harap-harapan.

Ibig sabihin, hindi ganap na nakasasama sa tao ang teknolohiya. Bahagi ito ng mga pagbabago o modernisasyon.

Kaya napapanahon ang napipintong pilot implementation ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa susunod ng buwan ng bago nitong web-based system na layong mapabilis ang pagbabayad ng taxpayers ng buwis.

Isinusulong na kasi ng BIR ang pag-iisyu ng electronic receipts o invoices na pinaniniwalaang magpapalakas ng tax audit capabilities at tax collection ng ahensiya.

Ang bagong lunsad na Electronic Invoicing/Receipting and Sales Reporting System (EIS) ng main collection agency ay aarangkada na sa Hulyo sa tukoy nang 100 large taxpayers na nasa hanay ng e-commerce, export of goods and services, at taxpayers na nakarehistro na rin sa ilalim ng Large Taxpayers Service.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, inaatasan ang BIR na sa loob ng limang taon ng implementasyon ng batas ay magpatupad ito ng sistema na may kakayahang mag-imbak at mag-proseso ng ‘required data’ at mag-oobliga sa mga taxpayer na mag-isyu ng electronic receipts o e-receipts at electronically report ukol sa kanilang sales data.

Ang sistemang ito ay nakadisenyo kasama ang tatlong portals na kinabibilangan ng EIS Taxpayer Portal, EIS Certification Portal at EIS Portal para sa revenue officers.

Samantala, ang Department of Foreign Affairs (DFA) naman ay mayroon na ring ePayment portal.

Sinasabing bahagi ito ng Online Appointment System na nagbibigay-kakayahan sa mga aplikanteng bayaran ang passport processing fees sa mga piling payment centers sa buong bansa.

Plano na rin ng DFA na paganahin ito para sa mga gumagamit ng credit at debit cards, pati na rin ng over-the-counter cash payment sa mga bangko.

Sa ilalim ng sistema, ang lahat ng magre-renew at mag-aapply ng Philippine ePassport ay magbabayad na muna ng processing fees gamit ang portal upang makakuha ng slot sa online appointment.

Maaaring magbayad sa payment centers gaya ng Bayad Center, ECPay, Pera Hub, Robinsons Business Center at Department Stores, Waltermart Department Store, 7-Eleven, USCC (Western Union), at Villarica Pawnshop.

Maliban sa DFA at BIR, may Member Portal na rin ang Philhealth.

Ang maganda rito ay napaka-kumbinyente, makakabayad ang aplikante ng fee sa kahit anong authorized payment centers at talagang nakakatipid ng oras.

Wala naman daw nasasayang na appointment slots dito.

Sa totoo lang, bukod sa malaking oras na ang matitipid sa pag-renew o pag-apply ng passport kapag nakapagbayad na bago pumunta ng consular office ay iwas-fixer pa ang ganitong sistema.