Susmaryosep! Nalaglag ako sa aking upuan nang mabasa ko ang balita na pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) na posibleng ilagay ang kategorya ng e-trikes na kinakailangan na iparehistro sa kanilang ahensya.
Ito raw ay sanhi ng pagdami ng mga nasabing uri ng sasakyan na bumabaybay sa mga pangunahing lansangan ng mga lungsod sa Pilipinas. Dahil daw sa murang halaga nito at tipid sa gasolina, ang LTO ay ina-update ang kanilang Administrative Order 2021-039 na pinapayagan ang mga ganitong uri ng sasakyan ngunit may mga ilang kundisyon na kailangan na sundin.
“If the e-trike can only run up to 25 km/h, it’s not required to be registered with the LTO. Although we’d like to deviate from that thinking and we’re coming up with a proposal, that even if the e-bike cannot reach 25 km/h, if it is being used on national highways like EDSA and the operator [for example] is a minor and is not a valid driver’s license holder, we have a problem,” ang pahayag ni LTO chief Vigor Mendoza kamakailan sa isang press conference.
Ha? Hindi ba ang isa sa pangunahing problema ng matinding trapik sa ating mga lungsod ay ang dumadaming sasakyan sa kalsada? Eh bakit dadagdagan pa?! Mabagal ang takbo ng mga e-trikes kaya kapag nasa mga pangunahing lansangan ito, tiyak na nakakasagabal sa daloy ng trapiko.
Dagdag pa rito ay gawa lamang ito sa mahinang materyales na kapag mabundol ng regular na sasakyan ay nagsisilbing panganib ito sa mga nakasakay sa e-trike!
Hindi ba’t mas madali na ipagbawal ang mga ito na lumabas sa mga subdibisyon at istrikto na payagan lamang sa mga kalsada sa loob lamang ng mga barangay?
Hindi ba’t si Mendoza na rin ang nakapuna na halos 65% o 24.7 million na mga sasakyan sa Pilipinas ay hindi nakarehistro? Tapos gagawin pa nila na isama ang mga e-trike na kailangan na iparehistro sa LTO? Hindi ba at mas mainam na solusyunan muna nila kung paano mapilit ang 24.7 million na unregistered vehicles na tumalima sa nasabing regulasyon ng LTO?
At hindi ba na tama kung ipatupad ang batas trapiko at maghigpit na ipagbawal ang mga e-trikes at tricycle na bumabaybay sa mga pangunahing kalsada? Implementasyon ang solusyon.
Kaya sa plano ng LTO na iparehistro ang mga e-trikes, nagmistulang problema ang kanilang solusyon sa problema. Haaays.