SUGATAN ang 65-anyos na basurero matapos nitong sunugin ang isang electronic vape device na dahilan upang ito ay sumabog na naganap malapit sa entrance ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Parañaque City.
Ayon sa report na isinumite ng Parañaque City police sa Southern Police District (SPD), nangyari ang insidente dakong alas-2:40 ng hapon nitong Oktubre 7 sa Ninoy Aquino Avenue malapit sa main entrance ng NAIA Terminal 1 sa Barangay Sto. Nino.
Base sa inisyal na ulat ng Parañaque police, tinangkang sunugin ng biktima ang electronic vape device na nagresulta ng mechanical reaction nito na naging sanhi ng pagsabog ng vape.
Sinabi ng security guard na naka-duty sa parking area ng NAIA Terminal 1B nang marinig ang pagsabog agad nitong tinungo ang pinagmulan kung saan nakita ang biktima na nagtamo ng minor injuries.
Base naman sa isinagawang post-blast investigation, natagpuan sa lugar ng insidente ang mga pira-pirasong bahagi ng sumabog na electronic vape device. MARIVIC FERNANDEZ