ISANG young tennis prodigy at dalawang world champions ang bumubuo sa short list ng major awardees na kikilalanin sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) virtual Awards Night dalawang linggo mula ngayon.
Sina Alex Eala at boxing world title holders Johnriel Casimero at Pedro Taduran ay kabilang sa 2020 honor roll ng pinakamatandang media organization sa bansa na pinamumunuan ni President Tito S. Talao, sports editor ng Manila Bulletin.
Ang traditional Awards Night, na idaraos virtually sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng PSA, ay nakatakda sa March 27 sa TV5 Media Center at co-presented ng Philippine Sports Commission (PSC) at Cignal TV, kasama ang 1-Pacman Partylist at Rain or Shine bilang major backers.
Si lady golfer Yuka Saso ang consensus choice bilang 2020 Athlete of the Year, ang award na tanging ang 72-year-old media group lamang ang nagkakaloob.
Si Eala, 15, ay kabilang sa ilang nagbigay ng liwanag para sa Philippine sports sa panahon ng pandemya makaraang makopo ang kanyang kauna-unahang grand slam juniors title sa pagwawagi sa Australian Open girls’ doubles tournament kasama si Indonesian partner Priska Madelyn Nugroho, matapos na gapiin ang tambalan nina Slovenian Ziza Falkner at Matilda Mutavdzic ng Britain sa final.
Kalaunan, ang charming teener ay umabante sa semifinals ng French Open girls singles, subalit natalo kay hometown bet Elsa Jacquemot.
Ang kanyang matikas na ipinakita sa dalawang grand slam tournaments ay naghatid sa Filipina netter sa no. 2 sa girls’ junior rankings sa pagtatapos ng taon.
Isang full scholar sa Rafael Nadal Academy sa Mallorca, Spain, si Eala ay naging pro at sumabak sa iba’t ibang torneo sa Europe na nagbigay-daan para kunin niya ang kasalukuyang WTA singles ranking na 763.
Tulad ni Eala, si Casimero ay gumawa rin ng ingay noong nakaraang taon nang matagumpay na naidepensa ang kanyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight title kontra Duke Micah ng Ghana sa Mohegan Sun Arena in Connecticut.
Napanatili rin ni Taduran ang kanyang IBF (International Boxing Federation) minimumweight crown nang maitala ang fourth round technical draw laban kay Mexican challenger Daniel Valladares sa Guadalupe, Mexico bago ang outbreak ng COVID-19.
Ito ang unang title defense ni Taduran, na naitala ang fourth round stoppage kay fellow Filipino Samuel Salva noong Sept. 2019 para makopo ang 105-pound version ng IBF.
Gayunman ay hindi naidepensa ng 24-year-old native ng Libon, Albay ang kanyang titulo ngayong taon nang malasap ang unanimous decision loss sa kababayang si Rene Mark Cuarto.
Comments are closed.