EALA ABANTE SA CANBERRA INTERNATIONAL SEMIS

UMUSAD si Alex Eala sa semifinal round sa kanyang unang major tournament ngayong taon, ang Canberra International women’s tennis tournament sa Australia nitong Huwebes.

Sa quarterfinals ay dinispatsa ni world number 147 Eala si world number 170 Taylah Preston ng Australia sa tatlong sets, 4-6, 6-2, 6-1, makaraang malusutan ang maagang kalamangan ng katunggali.

Sinimulan ni Eala ang Canberra International sa pagwawagi sa kanyang dalawang qualifying matches laban sa mga katunggali mula sa Australia, una kontra Catherine Aulia sa dalawang sets, 6-1, 6-2, pagkatapos ay laban kay Alana Subasic sa tatlong sets, 5-7, 6-0, 6-1, upang makapuwesto sa main draw.

Sa round of 32 noong Martes, ginapi niya si Sinja Kraus ng Austria, 6-2, 6-4, at sinundan ng pagbasura kay Netherlands’ Arianne Hartono, 6-3, 6-3, sa New Year’s Day round of 16 match.

Makakaharap ni Eala si Wei Sijia ng China sa semifinals sa Sabado.

Tinalo ni Wei sina Filipino-Australian Lizette Cabrera sa round of 32, 6-3, 6-4; Mananchaya Sawangkaew ng Thailand sa round of 16, 6-3, 6-2; at Simona Waltert ng Switzerland sa quarterfinals, 6-4, 6-4, nitong Huwebes.