HANGZHOU, China – Nalusutan ni Philippine tennis sensation Alex Eala ang marathon first set upang dispatsahin si veteran Rutuja Bhosale ng India, 7-6 (7-5), 6-2, at umabante sa quarters ng women’s singles event sa 19th Asian Games sa Olympic Sports Stadium dito.
Kinailangan ni Eala, 18, ng 72 minuto at ng tiebreaker upang gapiin ang kanyang 27-year-old rival sa mainit na bakbakan.
Naging magaan naman ang second set para kay Eala upang maisaayos ang quarterfinals meeting kay Japanese Kyoka Okamura, 6-2, 3-6, 6-4 winner kontra Savanna Ly-Nguyen.
Sa papel ay tangan ni Eala ang kaunting bentahe laban sa kanyang Japanese rival dahil sa mas mataas niyang ranking sa No. 192 kumpara sa 223rd ni Okamura. Bukod dito, si Eala ay may ipinagmamalaking apat na ITF titles laban sa Round-of-8 rival.
Nahirapan si Eala sa kanyang serves sa kaagahan ng laro kung saan gumawa siya ng 5 doubles laban sa 3 aces lamang.
Sa second set, dalawang beses lamang siyang na-double fault kung saan nagsimula na siyang dominahin ang laro.
Si Eala ay magaan na umusad sa round-of-16 makaraang blangkahin si Sarah Ibrahim Khan ng Pakistan, 6-0, 6-0.