EALA BIGO SA AUSTRALIAN OPEN QUALIFYING

MAAGANG nasibak si Alex Eala makaraang mabigo kay higher-ranked Rebecca Peterson ng Sweden, 6-2, 7-5, sa opening round ng 2024 Australian Open qualifying draw Martes ng umaga (Manila time).

Ito ang ikalawang pagkakataon na maagang napatalsik ang Filipina teen tennis ace sa professional Grand Slam scene kung saan nalasap niya ang three-set loss laban sa Japanese foe sa huling  Australian Open edition.

Matapos ang mabagal na simula kung saan naitala ni Peterson ang 2-0 early cushion sa opening set, bumawi si Eala sa Game 5 upang tapyasin ang deficit sa 2-3. Subalit nagwagi si Peterson, ranked no. 128 sa WTA, sa mga sumunod na laro upang kunin ang 1-0 set lead.

Sa Set 2 ay mas nag-init si Eala, kumarera sa 4-3 kalamangan bago naitala ang unang set point sa 5-4. Subalit isang clutch ni Peterson ang nagtabla sa iskor sa  5-5 bago dinomina ang sumunod na dalawang laro para makumpleto ang sweep.

Si Eala, na kamakailan ay kinuha ang career-high WTA ranking sa no. 185, ay isang three-time juniors grand slam titleholder at ngayon ay naglalaro sa pro ranks. Sumalang siya sa kanyang professional Grand Slam debut noong nakaraang taon sa parehong  event.