PAPAGITNA sina rising talent Alex Eala at star player Diana Mae ‘Tots’ Carlos sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night, dalawang linggo mula ngayon.
Si Eala, 18, ay pararangalan bilang Ms. Tennis, habang si Carlos, 25, ay kokoronahan bilang Ms. Volleyball sa formal affair na gaganapin saJan. 29 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Ang dalawa ay sasamahan nina June Mar Fajardo (Mr. Basketball) at Sarina Bolden (Ms. Football) bilang recipients ng special award mula sa pinakamatagal na media organization sa bansa na pinamumunuan ng presidente nito na si Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, para sa kanilang outstanding achievements sa kani-kanilang larangan noong 2023.
Ang apat na personalidad ay bahagi ng 130-plus awardees na kabiilang sa PSA honor roll.
Tampok sa event ang paggagawad ng prestihiyosong Athlete of the Year Award kay world no. 2 pole vaulter EJ Obiena.
Tumanggap ng Major Awards, dalawang taon na ang nakalilipas, si Eala ay pararangalan sa pagkakataong ito para sa hectic year ng Filipina netter na nagwagi ng dalawang ITF Circuit titles at nakapasok sa Top 200 rankings sa mundo.
Sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China, winakasan ni Eala ang 61-year medal drought para sa Philippine tennis sa pagwawagi ng bronze sa women’s single event, at pagkatapos ay nakipagtambalan kay Francis Casey Alcantara para sa podium finish sa mixed doubles.
Samantala, si Carlos ay isa sa best volleyball players sa bansa sa kasalukuyan makaraang pangunahan ang Creamline sa Premier Volleyball League (PVL) First All-Filipino Conference title kontra Petro Gazz sa pagkawala ni injured star Alyssa Valdez.
Sa parehong torneo, ang produkto ng University of the Philippines mula Lubao, Pampanga ay itinanghal na PVL MVP, ang ikatlong pagkakataon na nasikwat niya ang pinakamataas na individual honor ng liga.
Bago matapos ang 2023, pinamunuan din ni Carlos ang Cool Smashers sa Second All-Filipino Conference championship kung saan itinanghal siyang Finals MVP kasunod ng two-game sweep sa Choco Mucho sa harap ng record crowd na 24,459 sa Smart Araneta Coliseum.