SIBAK na si Filipina tennis ace Alex Eala sa WTA Canberra International makaraang yumuko kay Wei Sijia ng China, 5-7, 2-6, sa kanilang semifinal matchup nitong Biyernes sa Australia.
Nakipagsabayan si Eala sa first set subalit sa huli ay nabigo. Bagama’t lumaban siya sa second set, hindi niya nahabol ang malaking deficit.
Angat ang Pinay sa 5-4 sa first set kung saan hindi makakalas ang dalawa mula sa isa’t isa.
Gayunman ay nanalasa si Wei at nagwagi sa sumunod na tatlong games upang kunin ang first set at lumapit sa finals.
Sa second set ay hindi nagpaawat ang Chinese player tungo sa panalo.
Sinimulan ni Eala ang Canberra International sa pagwawagi sa kanyang dalawang qualifying matches laban sa mga katunggali mula sa Australia, una kontra Catherine Aulia sa dalawang sets, 6-1, 6-2, pagkatapos ay laban kay Alana Subasic sa tatlong sets, 5-7, 6-0, 6-1, upang makapuwesto sa main draw.
Sa round of 32 noong Martes, ginapi niya si Sinja Kraus ng Austria, 6-2, 6-4, at sinundan ng pagbasura kay Netherlands’ Arianne Hartono, 6-3, 6-3, sa New Year’s Day round of 16 match.
Ang WTA 125 tilt, na nagsimula noong December sa pamamagitan ng qualifying rounds, ang tatapos sa 2024 tournaments ni Eala, kung saan nanalo siya ng isang singles title at tatlong doubles titles.