EALA NAKAKUHA NG QUALIFYING SLOT SA 2024 AUSTRALIAN OPEN

UMAASA si Filipina teen tennis sensation Alex Eala na maagang makagawa ng  impact sa pagsisimula ng season sa susunod na taon makaraang makakuha ng qualifying spot sa 2024 Australian Open.

Kakatawanin ng 18-year-old netter, na kasalukuyang no. 190 sa Women’s Tennis Association (WTA), ang Pilipinas sa field na pinangungunahan ni 2021 US Open titleholder Emma Raducanu, gayundin nina Hsieh Su-Wei at  Francesca Jones.

Ang qualifying event ay nakatakda sa January 8 habang ang main draw ay gaganapin sa January 14-28.

Hindi ito ang unang pagkakataon na lalahok si Eala sa  Australian Open kung saan una siyang sumabak sa  Grand Slam bilang junior noong 2020, kung saan nagreyna siya sa  girls’ doubles event katambal si  Priska Madelyn Nugroho ng Indonesia. Sumabak din siya sa  singles event subalit umabot lamang sa third round.

Noong 2023 ay lumahok siya sa qualifiers ng women’s singles event, subalit natalo kay Misaki Doi ng Japan.

Bago ang torneo, si Eala ay nakatakdang lumahok sa isang pre-Grand Slam event sa WTA25 Canberra International sa Australia na magsisimula sa Linggo, Disyembre 31.

Sa katunayan, si Eala ay umalis patungong Canberra noong Martes, Dis. 26, makaraang ipagdiwang ang holidays kasama ang kanyang pamilya.

Ang patapos na taon ay naging matagumpay para kay Eala makaraang magwagi ng bronze medals sa women’s singles at mixed doubles sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China noong nakaraang Setyembre.

Nagwagi rin siya ng dalawang pro singles titles —  ang W25 Roehampton at W25 Yecla —  para sa kabuuang apat na pro titles sa kanyang career.