EALA PASOK SA SEMIS, SIGURADO NA SA BRONZE

HANGZHOU, China – Naitala ni Alex Eala ang isa sa pinakamalaking comeback wins sa kasaysayan ng tennis sa Asian Games nang maitakas ang 0-6, 7-5, 6-0 panalo kontra Japanese Kyoka Okamura nitong Miyerkoles sa Olympic Tennis Centre dito.

Sa panalo ay nakasisiguro na ang Team PH ng isa pang bronze medal sa quadrennial meet.

Naging matamlay ang simula ni Eala, seeded No. 4, kung saan gumawa siya ng ilang turnovers – ang ilan ay basic mistakes.

Mabuti na lamang at nakuha niya ang second set matapos ang mainit na paghahabol, at magaan na inangkin ang third upang dispatsahin ang Japanese rival.

Naisaayos ng 18-year-old Filipina sensation ang semis duel kay top seed Zheng Qinwen ng China, na nalusutan ang close opening set upang gapiin si Park Sohyn ng South Korea, 7-6 (4), 6-0.

Si Qinwen ang parehong player na nagmartsa sa quarters ng US Open sa New York makaraang talunin si last year’s runner up Ons Jabeur ng Tunisia.

Habang si Eala ay ranked No. 192, ang Chinese top seed ay rated No. 23 sa latest ITF rankings.

Ang huling pagkakataon na nanalo ang bansa ng medalya sa continental showpiece ay 17 taon na ang nakalilipas — mula kina Cecil Mamiit at Eric Taino na nagwagi ng bronze medals sa Doha edition.