EALA TOPS ATHLETE OF THE MONTH

on the spot- pilipino mirror

NAIPAMALAS ni tennis sensation Alex Eala ang lakas ng kanyang bombs  para sa bansa, sa pakikipagtambalan na rin kay Priska Nugroho ng Indonesia,  upang pamunuan ang 2020 Australian Open juniors doubles tournament noong  nakaraang Biyernes (Jan. 31) sa Melbourne Park.

Winalis ni Eala, 14-anyos pa lamang, at ng kanyang Indonesian partner  ang European duo nina Slovenia’s Ziva Falkner at Britain’s Matilda Mutavdzic, 6-1, 6-2, para kunin ang kampeonato.

Si Eala ang naging una ring Filipino na naisukbit ang juniors grand slam matapos ni Francis Casey Alcantara na naiuwi rin ang Australian Open boys doubles title, katuwang si Hsieh Cheng-peng ng Chinese Taipei, noong 2009.

Ito rin ang ikaanim na doubles title para kina Eala at Nugroho matapos na magtambal sila noong 2017.

Sa kanyang na­ging tagumpay sa isa sa apat na grand slam events, si Eala ang nagkakaisang pinili ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) bilang buena manong ‘Athlete of the Month’ para sa taon.

“Like all the other great Filipino athletes who made us proud in the last Southeast Asian Games, Eala did very well to put local tennis in the international map again,” pagmamalaki ni TOPS president Ed Andaya ng People’s Tonight.

“Her success serves as an inspiration to the Filipino youth who hope to make a difference in the wonderful world of sports,” giit pa ni Andaya.

Ito ang unang paggawad kay Eala mula sa TOPS, ang pinakabagong sports organization na kinabibilangan ng editors, reporters,  columnists, at photographers mula sa iba’t ibang nangu­ngunang tabloids sa Filipinas.

Noong nakaraang taon, kinilala ng TOPS sina Manny Pacquiao (January), Jasmin Mikaela Mojdeh (February), Natalie Uy (March), Ernest John Obiena (April), June Mar Fajardo (May), the Philippine Canoe Kayak and Dragon Boat Federation team (June), Obiena (July), Antonella Berthe Racasa (August), Obiena (September), Caloy Yulo (October),  Margielyn Didal  (November) at Roger Casugay (December).

Ang TOPS ang siya ring presentor ng ‘Usapang Sports’, ang weekly forum na ginaganap sa National Press Club at suportado ng Philippine Sports Commission, National Press Club, PAGCOR,  at Community Basketball Association.



Abala ngayon ang Alaska Aces sa pagpili ng kanilang magiging muse sa opening ng All-Filipino Cup sa March 1. Isa sa napusuan nila ay ang actress ng GMA-7 na si Gabbi Garcia. Sayang lamang dahil ayon sa handler nito ay may commitment ang magandang actress sa Baguio. Hay sayang naman. Patuloy pang naghahanap ng muse ang naturang team. Malamang bago magbukas ang PBA ay nakapili na ito. Pinagpipilian nila ang mga bida sa PRIMA DONNAS ng GMA-7 na sina Zonia Mejia at Dayara Shane, ang gumaganap na kontrabida na si  Elijah Alejo  at ang anak ng dating player nilang si Bong Alvarez na si Alyssa Mulach Alvarez.



PAHABOL: Congratulations po sa lokal ng BUHULIT sa may TARLAC, TARLAC CITY, may bago na silang gusaling sambahan. Napakaganda po. At nakadalo kami ng pagsamba ng aking pamilya noong Linggo. Salamat sa Panginoong Diyos at sa tagapamahalang Pangkalahatan, ang kapatid na Eduardo V. Manalo.