EARLY CAMPAIGNER ‘DI PANANAGUTIN NG COMELEC

comelec

NILINAW kahapon ng Commission on Elections (Comelec) na hindi pa nila maaaring panagutin ang mga kandidatong ngayon pa lamang ay nagpapaskil na ng tarpaulin sa mga lansangan dahil hindi pa naman ito maituturing na early campaigning o maagang pangangampanya.

Ipinaliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hindi pa nagsisimula ang panahon ng kampanyahan para sa May 13, 2019 National and Local Elections (NLE), kaya’t kahit na ilagay pa ng mga kandidato sa kanilang mga tarpaulin ang mga salitang ‘iboto n’yo ako’ ay hindi pa rin ito itinuturing na paglabag sa election laws.

“Actually, kahit may mga sulat na ‘iboto niyo ako’ or ‘vote for me’ ganyan, hindi pa rin ‘yan ico-consider na violation kasi hindi pa nagsisimula ang campaign period,” ayon kay Jimenez, sa panayam sa radyo.

Hindi pa rin aniya maikokonsiderang opisyal na kandidato ang mga naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa eleksiyon dahil hindi pa rin naman nakakapaglabas ang Comelec ng listahan ng mga kandidatong papayagan nilang tumakbo sa eleksiyon.

“Hindi sila puwedeng sitahin ngayon kasi hindi pa sila kandidato kahit nagfile na ng COC,” aniya pa. “Hangga’t hindi umaabot sa petsa na ‘yan, hindi sila masisita sa kahit na anong bagay.”

Matatandaang target ng Comelec na mailabas ang opisyal na listahan ng mga kandidatong papayagan nilang tumakbo sa eleksiyon ngayong ­Disyembre 15.

Ang campaign period naman para sa senatorial elections ay magsisimula sa Pebrero 12 at ang mga ta-takbo sa lokal na halalan ay maaaring magsimulang mangampanya sa Marso 29, 2019.  ANA ROSARIO      HERNANDEZ

Comments are closed.