EASL: BOLTS KINORYENTE ANG BUSAN KCC EGIS

SUMANDAL ang Meralco kay import Akil Mitchell upang maungusan ang reigning Korean Basketball League (KBL) champion Busan KCC Egis, 81-80, sa kanilang kapana-panabik na East Asia Super League (EASL) Home And Away Season 2 game sa Philsports Arena Miyerkoles ng gabi.

Naitala ni Mitchell ang 11 sa kanyang 33 points sa fourth quarter kung saan pinangunahan niya ang paghabol ng Bolts mula sa 11-point deficit upang maitakas ang dramatic win sa kanyang debut game sa franchise.

Ang kanyang split mula sa free throw line sa huling 6.4 segundo ang naging game winner dahil ang desperate heave ni Heo Ung mula sa backcourt ay kinapos sa buzzer.

Nagdagdag din si 32-year-old American-Panamanian ng 22 rebounds at 4 assists sa 36 minutong paglalaro na walang turnover.

“This guy (Mitchell) led us with his big rebounds. The nice thing about bringing Akil is he’s a professional, he’s been around, and he knows how to win just like our former import Allen Durham,” pahayag ni Meralco coach Luigi Trillo patungkol kay Mitchell, na pumalit sa puwesto ni 36-year-old Durham kasunod ng kanyang pagreretiro.

Si Mitchell ang magiging reinforcement ng Meralco sa darating na PBA Commissioner’s Cup.

Nakakuha rin ang Bolts ng solid contributions mula kay second import DJ Kennedy, na nakakolekta ng 14 points, 8 rebounds, at 5 assists, at sa trio nina Chris Newsome,Ange Kouame, at Bong Quinto, na tumipa ng tig-8 points.

Umangat ang Bolts, ang reigning PBA Philippine Cup champions, sa 2-1 record sa Group B, nahigitan ang kanilang win-loss record sa kanilang unang pagsabak sa regional league noong nakaraang season.

“Big win for us. I think this is the first time that we’ve gotten two wins. And obviously, more games ahead of us,” dagdag ni Trillo.

Tumapos si dating NBA player Deonte Burton, na naglaro para sa Oklahoma at Sacramento, na may 26 points, 9 rebounds, at 5 assists bago na-foul out sa huling apat na minuto para sa Busan KCC, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan sa road para sa 0-2 record.

Ang comeback win ng Meralco ay nagpalambot sa epekto ng 101-85 pagkatalo ng San Miguel sa Taoyuan Pilots ng P.League+ sa unang laro ng doubleheader.

Ang Beermen ay na-outscore sa second quarter ng Taiwan-based team, 28-13, tungo sa kanilang ikalawang sunod na pagkatalo sa Group A.

Umangat ang Pilots sa 2-0 sa ibabaw ng parehong bracket.

Iskor:
Unang laro
Taoyuan Pauian Pilots (101) — Brown 27, Graham 25, Lu 25, Pai 11, Li 5, Lin 2, Dieng 2, Chen 2, Kuan 2, Lin 0, Qiao 0.

San Miguel (85) — Miller 32, Trollano 13, Anosike 8, Perez 8, Fajardo 7, Tautuaa 5, Romeo 4, Cruz 4, Rosales 3, Ross 1, Teng 0, Brondial 0.

Quarterscores: 25-20; 57-33; 83-56; 101-85.

Ikalawang laro
Meralco (81) – Mitchell 33, Kennedy 14, Newsome 8, Quinto 8, Kouame 8, Hodge 6, Banchero 4, Caram 0.
Busan KCC Egis (80) – Burton 26, Lee G 14, Heo 14, Lee S 9, Williams 9, Jung 6, Lee H 2, Yeo 0, Epistola 0.

Quarterscores: 20-26; 42-53; 63-68; 81-80.