MAGKAKAROON ng pagkakataon ang Filipino basketball fans na mapanood nang malapitan at personal ang taong nasa likod ng ‘Linsanity’ fever, ilang taon na ang nakalilipas.
Darating sa Pilipinas ang New Taipei Kings na tinatampukan ni dating NBA player Jeremy Lin sa kauna-unahang pagkakaraon para harapin ang Meralco Bolts sa EASL Home and Away Season sa Jan. 3 sa Philsports Arena.
Ito ang unang pagkakataon na lalaro sa bansa si Lin kasunod ng kanyang celebrated NBA career na nagsilang sa cultural phenomenon ‘Linsanity’ sa kanyang pananatili sa New York Knicks.
Matapos ang isang dekadang paglalaro sa NBA na kinabilangan ng pagwawagi ng kampeonato sa Toronto Raptors noong 2019 season, si Lin, 35, ay nagpasyang bumalik sa kanyang pinagmulan at naglaro sa Chinese Basketball Association (CBA), at ngayon ay nasa Kings sa P.League+ sa Taipei.
Inaasahang bibigyan ni Lin at ng Kings ng magandang laban ang Bolts sa kanilang hangaring mapanatili ang top spot sa Group B kung saan sila may 2-0 record.
Kasama ni Lin sa Kings ang kanyang kapatid na si Joseph, gayundin sina Asia import Hayden Blankley, isang familiar face sa Filipino fans makaraang maglaro para sa Bay Area Dragons sa PBA Commissioner’s Cup, at imports Kenny Manigault at Tony Mitchell, na minsang naglaro para sa NLEX at Magnolia.
Darating ang Kings sa bansa ngayong Martes, Enero 2.
Kailangang manalo ang Meralco kontra bisitang koponan dahil galing sila sa heartbreaking 81-80 loss sa Seoul SK Knights noong nakaraang Dis. 27 sa Philsports Arena.
Sa pagkatalo ay nahulog ang Bolts sa 1-3 record sa ilalim ng Group B at kailangan na maipanalo ang lahat ng kanilang nalalabing mga laro upang manatili sa kontensiyon para sa isang semifinals berth.