MANANATILING magiging masidhi ang init ng panahon hanggang ngayong Linggo na mararanasan sa iba’t ibang panig ng bansa dulot ng easterlies at high pressure area (HPA) na nakaaapekto sa isa’t isa ,ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio mataas na temperature ang patuloy na mararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa Palawan at Pangasinan na ang heat index ay maaaring umabot sa 45 degrees Celsius.Kabilang sa mga tinamaan ng alinsangan ay ang Aborlan, Palawan na umaga pa lamang ay inasahan na ng PAGASA na aabot sa 45 degrees celsius ang heat index.
44 degrees Celsius naman ang Dagupan, Pangasinan; Puerta Princesa, Palawan,at; Catarman, Northern Samar.Apektado rin ang ilang bahagi ng Ilocos region.43 degrees celsius naman ang Tuguegarao,Cagayan; Echague, Isabela; Ambulong, Batangas;San Jose, Occidental Mindoro;Iloilo City;Dumangas, Iloilo, at; Guiuan,Eastern Samar.
42 degrees celsius naman ang Batac, Ilocos Norte;Bacnotan, La union;Aparri, Cagayan;Sangley Point,Cavite;Coron, Palawan;Virac, Catanduanes, at Roxas, Capis.Kasama sa apektado ang Southern Luzon at Visayas.
Mababang level ng tubig ang naitala sa mga dam tulad ng Angat Dam na nagsusuplay ng 90 porsiyento ng tubig sa Metro Manila na nakapagtala lamang ng 192.92 meters na mas mababa pa rin sa 212 meters na normal na water level elevation nito bagamat bahagyang mataas pa rin sa minimum na 180 meters na minimum water operating level.Ganun din ang ibang dam na nagsusuplay ng tubig sa ibang bahagi ng bansa na tulad ng Ipo Dam (99.73 meters); La Mesa Dam ( 75.67 meters); Ambuklao Dam( 740.00 meters); San Roque Dam ( 232.35 meters); Pantabangan Dam (173.50 meters);Caliraya Dam (286.38 meters).
Ayon sa Pagasa, ang heat index sa pagitan ng 42 degrees Celsius at 51 degrees Celsius ay itinuturing na danger level na at maaaring magdulot ng heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Ang heat index ay ginagamit upang matukoy kung gaano ang init na kayang indahin ng isang tao bago ito maging mapanganib.
Inaasahang ang temperatura sa mga siyudad ng Tuguegarao at Metro Manila ay maglalaro sa 35 degrees Celsius.
“We are always reminding the public to limit the time spent outdoors especially during late morning until mid-afternoon to avoid the scorching heat of the sun and to always drink plenty of water,” ang paalala ni Aurelio.
Ang easterlies, ay ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko. Ang HPA naman ay palabas na hangin sa bansa kaya’t hindi ito masyadong nagdudulot ng mga kaulapan.Dahil sa HPA, inaasahang mas mahina ang tsansa ng ulan.
Kulang na kulang pa rin anya ang ulan ngayong Abril base sa datus ng PAGASA mula sa Abril 1 hanggang Abril 16.Nakapagtala ng way below normal amount sa maraming lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila.Halos local thunderstorm lang anya ang nagpapaulan.Lalo pang bumaba ang tsansa ng ulan dahil sa patuloy na pagbaba ng ridge ng high pressure area sa eastern section ng Luzon. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia