INIURONG na ni Eastern Samar Governor Ben Evardone ang kaniyang kandidatura sa pagka-gobernador ng lalawigan para sa May 2025 election nitong Oktubre 8.
Si Evardone ay dapat sana ay nasa ikatlong termino na bilang gobernador sa naturang lugar.
Sa opisyal na pahayag ng gobernador, inihayag nito ang saloobin para sa mga kababayan niya sa Samar.
“Sa mabigat na puso, ako’y nagpapahayag sa inyo ngayon ng aking pag-urong sa laban bilang gobernador sa susunod na halalan sa gitna ng termino. Ang dahilan ay hindi personal. Hindi rin ito pulitikal kundi ito ay bilang tugon sa mas mataas na tawag at mas dakilang layunin.”
Nilinaw din nito ang mga usap-usapan at para wakasan ang spekulasyon ng kaniyang pag-urong.
“Nagpasya akong iwaglit ang aking mga pulitikal na ambisyon upang tumulong sa mga programa at proyekto ng administrasyon, lalo na sa pagtiyak ng tagumpay ng mga kandidato sa pagka-senador ng administrasyon” aniya.
Pormal na ring inendorso nito ang kaniyang anak na siyang hahalili sa kaniya bilang kandidatong gobernador sa probinsya.
“Habang iniaabangan ko ang pagsapit ng aking pagtatapos sa Hunyo ng susunod na taon, ako’y nababalot ng kaalaman na sa biyaya ng Diyos, maipapasa ko ang tungkuling ito sa aking anak na si Ralph Vincent “RV” Evardone, ang kaniyang buhay at hangarin na maglingkod sa tao ang aking pinakamalaking gantimpala” dagdag ni Evardone.
“Sa personal na usapan, huwag kayong mag-alala. Hindi ko kayo iiwan bilang ulila kundi bilang mga nagwagi at mga nakinabang sa mas malaki at mas dakilang papel na aking gagampanan sa pambansang larangan. Nais kong pasalamatan ang mga tao ng Eastern Samar sa pagkakataong nakapaglingkod ako sa inyo ng ilang taon. Nawa’y pagpalain tayo ng diyos lahat” pagtatapos nito.
RUBEN FUENTES