EASTERN VISAYAS LAWMAKERS UMAPELA NG SUPORTA SA KANILANG ANTI-COVID CAMPAIGN

Martin Romualdez

NAGLABAS ng isang joint statement ang mga kongresista mula sa Eastern Visayas region upang manawagan sa national government na bigyan ng kaukulang suporta ang kanilang lugar para sa layuning labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Ang nasabing pag­hingi ng tulong sa pamahalaan ay pinangunahan ni House Majority Leader at Leyte Rep. Martin Romualdez at sinusuportahan ng 11 iba pang mambabatas.

Sa joint-statement, nagpahayag ng pagkabahala ang naturang Visayan solons sa pagtaas ng COVID-19 cases sa kanilang rehiyon sa nakalipas na mga araw, na ang nakikitang pangunahing dahilan ay ang ipinatupad na ‘Hatid Probinsiya’ program o ang pagpapauwi sa mga nai-stranded  na indibiduwal sa kani-kanilang lalawigan.

Kaya naman iginiit nila na ang mga national government agency na responsable sa nasabing programa na dapat tiya­kin na ang mga uuwi sa probinsiya ay sasailalim sa COVID-19 test, partikular o sa pamamagitan lamang ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test,  para na rin anila masigurong ligtas ang mga ito maging ang kanilang mga mahal sa buhay.

“We welcome our returning kabugtuan and kaigsoonan to Samar and Leyte with open arms. We share their grief and agony in getting stranded away from their loved ones in these difficult times. They deserve the warm embrace of their families and their communities,” saad pa sa joint statement ng Region VIII representatives.

“However, we firmly believe that it is the duty of government to ensure that these constituents of ours are free from coronavirus infection and other diseases before they are allowed to rejoin their family members. Their freedom from COVID-19 infection means that their loved ones are free from harm, too,” dugtong nila.

Kasama rin sa hinihiling ng mga kongresista ang pagtitiyak na mayroong sapat na PPEs at health kits na maibibigay sa kanilang rehiyon  na para sa susunod na tatlong buwan.

Gayundin ang pagbibigay ng kaukulang pondo para masuportahan ang itinayong quarantine centers ng bawat lokalidad sa Eastern Visayas at pagtatalaga ng regional processing center at alternate processing centers sa mga secondary airports/seaport ng rehiyon. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.