EASY CARE TIPS SA BAGETS NGAYONG TAG-ULAN

CARE

AYAW magpaawat sa pagpatak ng ulan. Ayaw ring magpatawad ang paghagupit ng bagyo sa bansa. Kaya naman, kinakabahan at nag-iingat ang ma­rami upang hindi maapektuhan ng masamang panahon. Hindi pa naman nawawala ang pagbaha sa tuwing umuulan kaya’t dapat ay handa ang bawat isa sa atin sa ganitong panahon.

Ngunit sa pagbuhos ng ulan, kasabay nito ang samu’t saring sakit. Mga sakit na kapag hindi tayo nag-ingat, tiyak na tatamaan tayo. Mga bata pa naman ang unang dinarapuan ng iba’t ibang sakit na nagkalat sa paligid. Kaya’t bilang magulang, kailangang doblehin natin ang ating pag-iingat nang mailayo sa sakit ang ating mga anak.

At dahil lahat ng magulang ay hinahangad na maprotektahan ang anak, narito ang ilang easy care tips ngayong tag-ulan:

HUWAG PAUULANAN ANG MGA BATA

Hangga’t maaari, huwag pauulanan ang mga bata upang maiwasan ang pagkakasakit. Mahilig sa laro ang mga tsikiting. Kinaaaliwan pa naman nila ang maglaro sa ulan. Ngunit maraming sakit ang naidudulot ng ulan, lalo na ng pagbaha.

Kung lumalabas ng bahay ang mga bata o pumapasok sa eskuwela, paalalahanan ang mga ito na huwag magpapaulan. Sabihan din silang iwasan ang pagtatampisaw sa maruming tubig dahil nakapagdudulot ito ng iba’t ibang sakit sa balat.

At kung sakali mang hindi naiwasang mabasa ng ulan ang tsikiting, paliguan agad ang mga ito nang hindi magkasakit.

PANATILIHING MALINIS ANG BUONG KATAWAN AT PALIGID

CAREMaruming katawan at paligid ang laging nagi­ging dahilan ng pagkakaroon ng sakit ng kahit na sino sa atin. Kung hindi nga naman maingat sa katawan at paligid ang isang tao, tiyak na hihina ang iyong resistensiya at darapuan ka ng sakit.

Kaya naman napakahalaga ng pag-iingat at pagiging malinis hindi lamang sa katawan kundi maging sa ating kapaligiran o sa lugar na ating nilalagian, lalong-lalo na ang tahanan dahil dito tayo naglalaan ng mara­ming oras.

Bilang magulang, kailangang masiguro nating malinis ang katawan ng ating mga anak nang mailayo ang mga ito sa sakit. Sanayin din ang mga batang matuto silang maghugas ng kamay. Kung sila mismo ay maingat, tiyak na madadala nila ito hanggang sa kanilang paglaki.

At siyempre, linisin din natin ang buong paligid, lalo na ang kabuuan ng ating tahanan. I-check ang labas ng bahay at tanggalin ang mga naipong tubig mula sa ulan nang hindi pamugaran ng lamok.

IWASAN ANG PAGKAIN SA LABAS AT MAS PILIIN ANG LUTONG BAHAY

Kapag tag-ulan, isa ang pagkain sa dapat na­ting sinisigurong malinis at masustansiya. Kung masustansiya at malinis ang kinukunsumo nating pagkain, magiging malakas ang ating pangangatawan.

Kasabay rin ng pagbuhos ng ulan ang katamaran nating magluto. Kadalasan ay mas pinipili ng pamilya na kumain sa labas o ang magpa-deliver na lang. Pero mas mabuti kung iiwasan ang pagkain sa labas o restaurant at mas piliin ang lutong bahay.

Sa pagkain kasi sa labas o mga restaurant, hindi natin natitiyak kung malinis at masusustansiya ang kanilang inihahanda.  Hindi rin natin nalalaman kung anong klaseng mga pampalasa ang ginagamit nila. May ilan na matindi kung gumamit ng MSG para lang magkalasa ang pagkain. May iba naman na sobrang alat o matataba.

CAREKaya hindi talaga puwedeng mawili tayong kumain sa labas lalong-lalo na kapag maulan ang paligid. Makabubuti ang magluto na lang sa bahay. Siguruhin ding masusustansiyang pagkain ang ihahanda sa pamilya nang lumakas ang kanilang pangangatawan at malabanan ang mga sakit na nagkalat sa paligid.

Bukod sa masusustansiyang pagkain, kailangan ding painumin ang mga bata ng mara­ming tubig nang manati­ling hydrated ang kanilang katawan. Tiyakin din na malinis ang tubig na kanilang iniinom.

MAG-INVEST NG RAIN GEAR

Kapag tag-ulan, importanteng-importante rin ang pagbili ng mga gamit  sa tag-ulan gaya ng bota, payong at kapote. Kaya naman, para maiwasang magkasakit o dapuan ng sakit ang mga bata, mag-invest sa rain gear nang maprotektahan ang mga ito kahit na lumakas ang ulan.

Napakaraming simpleng paraan para ma­panatili nating malakas at healthy ang ating tsiki­ting ngayong malamig ang panahon. Pagtuunan lang natin ang mga simpleng tips na ito at huwag isawalang bahala.

Comments are closed.